Kabanata 19: Paalaman at Habilin

240   Hinamak ng aking pighating mabangis
ang sa maestro kong pang-aliw na boses;
ni ang luhang tulong ng samang may hapis
ay 'di nakaawas sa pasan kong sakit.

241   Baras ng matuwid ay nilapastangan
ng lubhang marahas na kapighatian;
at sa isang titig ng palalong lumbay,
diwa'y lumipad, niring katiisan.

242   Anupa't sa bangis ng dusang bumugso,
minamasarap kong mutok yaring puso;
at nang ang kamandag na nakapupuno,
sumamang dumaloy sa agos ng dugo.

243   May dalawang buwang hindi nakatikim
ako ng linamnam ng payapa't aliw;
ikalawang sulat ni ama'y dumating,
sampu ng sasakyang sumundo sa akin.

244   Saad sa kalatas ay biglang lumulan
at ako'y umuwi sa Albanyang bayan;
sa aking maestro nang nagpaalam,
aniya'y Florante, bilin ko'y tandaan.

245   Huwag malilingat at pag-ingatan mo
ang higanting handa ng Konde Adolfo;
pailag-ilagang parang basilisko,
sukat na ang titig ng mata'y sa iyo.

246   Kung ang isalubong sa iyong pagdating
ay masayang mukha't may pakitang-giliw,
lalong pag-ingata't kaaway na malihim,
siyang isaisip na kakabakahin.

247   Dapuwa't huwag kang magpahalata,
tarok mo ang lalim ng kaniyang nasa;
ang sasadatahi'y lihim na ihanda,
nang may ipagtanggol sa araw ng digma.

248   Sa mawika ito, luha'y bumalisbis
at ako'y niyakap na pinakahigpit;
huling tagubilin: bunso'y katitiis
at hinihinta ka ng maraming sakit.

249   At mumulan mo na ang pakikilaban
sa mundong bayaning punong kaliluhan'
hindi na natapos at sa kalumbayan,
pinigil ang dila niyang nagsasaysay.

250   Nagkabitiw kaming malumbay kapwa,
tanang kaesk'wela mata'y lumuluha;
si Menandro'y labis ang pagdaralita,
palibhasa'y tapat na kapuwa bata.

251   Sa pagkakalapat ng balikat namin,
ng mutyang katoto'y 'di bumitiw-bitiw
hanggang tinulutang sumama sa akin
ng aming maestrong kaniyang amain.

252   Yaong paalama'y anupa't natapos
at pagsasaliwan ng madlang himutok;
at sa kaingaya'y gulo ng adiyos,
ang buntung-hininga ay nakikisagot.

253   Magpahanggang daong ay nagsipatnubay
ang aking maestro't kasamang iiwan;
humihip ang hangi't agad nahiwalay
sa pasig Atenas ang aming sasakyan.

Pagkaraan pa nang dalawang buwan, may sasakyang lumunsad sa pantalan ng Atenas na may pahatid-liham mula sa ama ni Florante na nagsasabing siya daw ay umuwi agad sa kanyang bayang Albanya. Nagpaalam siya sa kanyang gurong si Antenor at ito nama'y nagpaalalang siya'y mag-ingat sa banta sa kanyang buhay. Pinayagan ni Antenor na sumama si Menandro kay Florante na yumayakap sa kanya ng mahigpit nang siya'y magpaalam sa kanyang amain.

Learn this Filipino word:

magsunog ng kilay