Kabanata 13: Ang Magkaibigan
156 Anupa't kapuwa hindi makakibo
'di nangakalaban sa damdam ng puso;
parang walang malay hanggang sa magtago't
humilig si Pebo sa hihigang ginto.
157 May awang gerero ay sa maramdaman;
malamlam na sinag sa gubat ay nanaw,
tinunton ang landas na pinagdaanan,
dinala ang kalong sa pinanggalingan.
158 Doon sa naunang hinintuang dako
nang masok sa gubat ang bayaning Moro,
sa isang malapad, malinis na bato,
kusang pinagyaman ang lugaming pangko.
159 Kumuha ng munting baong makakain,
ang nagdaralita'y inamong tumikim,
kahit umaayaw ay nahikayat din
nang sabing malambot na pawang pang-aliw.
160 Naluwag-luwagan ang panghihingpis,
sapagkat naawas sa pagkadayukdok,
hindi kinukusa'y tantong nakatulog,
sa sinapupunan ng gererong bantog.
161 Ito'y 'di umidlip sa buong magdamag,
sa pag-aalaga'y nagbata ng puyat;
ipinanganganib ay baka makagat
ng ganid na madlang naggala sa gubat.
162 Tuwing magigising sa magaang tulog,
itong lipos-hirap ay naghihimutok,
pawang tumitirik na anaki'y tunod
sa dibdib ng Morong may habag at lunos.
163 Nang magmamadaling-araw ay nahimbing,
munting napayapa sa dalang hilahil;
hanggang sa Aurorang itaboy ang dilim,
walang binitiwang himutok at daing.
164 Ito ang dahilang ipinagkasundo,
limang karamdamang parang hinahalo;
ikinatiwasay ng may dusang puso,
lumakas na muli ang katawang hapo.
165 Kaya't nang isabog sa sansinukuban
ang doradong buhok ng masayang araw,
nagbangong hinaho't pinasalamatan
sa Langit ang bagong lakas ng katawan.
166 Sabihin ang tuwa ng gererong hayag,
ang abang kinalong ay biglang niyakap;
kung nang una'y nukal ang luha sa habag,
ngayo'y sa galak na ang inilagaslas.
167 Kapos ang dila kong magsaysay ng laki
ng pasasalamat nitong kinandili;
kundangan ang dusa'y sa nawalang kasi
ay napawi disin sa tuwang umali.
168 Sapagka't ang dusang mula sa pag-ibig
kung kahit mangyaring lumayo sa dibdib,
kisap-mata lamang ay agad babalik
at magdaragdag pa sa una ng bangis.
169 Kaya hindi pa man halos dumarapo
ang tuwa sa lamad ng may dusang puso
ay itinakwil na ng dalitang lalo
at ang tunod niya'y siyang itinimo.
170 Niyapos na muli ang dibdib ng dusa,
hirap yatang bathin ang sakit sa sinta!
dangan inaaliw ng Moro sa Persya,
natuluyang nanaw ang tangang hininga.
171 Iyong natatanto ang aking paglingap,
anitong Persyano sa nababagabag;mula ng hirap mo'y ibig kong matatap
at nang kung may daa'y malagyan ng lunas.
172 Tugon ng may dusa'y 'di lamang ang mula
niring dalita ko ang isasalita,
kundi sampung buhay sapul pagkabata,
nang maganapan ko ang hingi mo't nasa.
Inalagaan ni Aladin si Florante ng magdamag. Pinakain ng kanyang baon ang dalawang araw na nakagapos sa gubat, bago dinatnan ng saklolo o tulong. Ito'y binantayan ng Moro habang natutulog dahil sa laki ng panghihina ng katawan. Sa pagkagising ni Florante ay pinagsaulian ng kaunting lakas. Lubos na nagpasalamat sa Maykapal at sa kanyang tagapagligtas na butihing kalaban. Tinanong ng Morong si Aladin kung ano ang suliranin o problema sa buhay ni Florante. Hangad daw ng Moro na makatulong siya.