Kabanata 14: Ang Kabataan ni Florante

173   Nupong nag-agapay sa puno ng kahoy
saka sinalitang luha'y bumabalong,
ang may dalang habag at lipos linggatong,
buong naging buhay hanggang naparool.

174   Sa isang dukado ng Albanyang S'yudad,
doon ko nakita ang unang liwanag;
yaring katauha'y utang kong tinanggap
sa Duke Briseo. Ay, ama kong liyag!

175   Ngayo'y nariyan ka sa payapang bayan,
sa harap ng aking inang minamahal,
Prinsesa Florescang esposa mong hirang,
tanggap ang luha kong sa mata'y nunukal.

176   Bakit naging tao ako sa Albanya,
bayan ng ama ko, at 'di sa Krotona,
masayang Siyudad na lupa ni ina?
disin ang buhay ko'y 'di lubhang nagdusa.

177   Ang dukeng ama ko'y pribadong tanungan
ng Haring Linceo sa anumang bagay;
pangalawang puno sa sangkaharian,
hilagaan-tungo ng sugo ng bayan.

178   Kung sa kabaita'y uliran ng lahat
at sa katapanga'y pang-ulo sa s'yudad;
walang kasindunong magmahal sa anak,
umakay, magturo sa gagawing dapat.

179   Naririnig ko pa halos hanggang ngayon,
palayaw na tawag ng ama kong poon,
noong ako'y batang kinakandung-kandong,
taguring Floranteng bulaklak kong bugtong.

180   Ito ang ngalan ko mula ng pagkabata,
nagisnan sa ama't inang nag-andukha;
pamagat na ambil na lumuha-luha
at kayakap-yakap ng madlang dalita.

181   Buong kamusmusa'y 'di na sasalitin,
walang may halagang nangyari sa akin,
kundi nang sanggol pa'y kusang daragitin
ng isang Buwitreng ibong sakdal sakim.

182   Ang sabi ni ina ako'y natutulog
sa bahay na kintang malapit sa bundok;
pumasok ang ibong pang-amo'y ay abot
hanggang tatlong legwas sa patay na hayop.

183   Sa sinigaw-sigaw ng ina kong mutya,
nasok ang pinsang kong sa Epiro mula;
ngala'y Menalipo , may taglay na pana
tinudla ang ibo't namatay na bigla.

184   Isang araw namang bagong lumalakad,
noo'y naglalaro sa gitna ng salas,
may nasok na Arko't biglang sinambilat
Kupidong d'yamanteng sa dibdib ko'y hiyas.

185   Nang tumuntong ako sa siyam na taon,
palaging gawa ko'y mag-aliw sa burol;
sakbat ang palaso't ang busog ay kalong,
pumatay ng hayop, mamana ng ibon.

186   Sa tuwing umagang bagong naglalatag
ang anak ng araw ng masayang sinag,
naglilibang ako sa tabi ng gubat,
madla ang kaakbay na mga alagad.

187   Hanggang sa tingal-in ng sandaigdigan
ang mukha ni Pebong hindi matitigan
ay sinasagap ko ang kaligayahang
handog niyong hindi maramot na parang.

188   Aking tinitipon ang ikinakalat
na masayang bango ng mga bulaklak,
inaaglahi ko ang laruang palad,
mahinhing amiha't ibong lumilipad.

189   Kung ako'y mayroong matanaw na hayop
sa tinitingalang malapit na bundok,
biglang ibibinit ang pana sa busog,
sa minsang tudla ko'y pilit matutuhog.

190   Tanang samang lingkod ay nag-aagawan,
unang makarampot ng aking napatay;
ang tinik sa dawag ay 'di dinaramdam,
palibhasa'y tuwa ang nakaaakay,

191   Sukat maingaya sinumang manood
sa sinuling-suling ng sama kong lingkod;
at kung masunduan ang bangkay ng hayop,
ingay ng hiyawan sa loob ng tumok.

192   Ang laruang busog ay kung pagsawaan,
uupo sa tabi ng matuling bukal;
at mananalamin sa linaw ng kristal,
sasagap ng lamig na iniaalay.

193   Dito'y mawiwili sa mahinhing tinig
ng nangagsasayang Nayadas sa batis;
taginting ng lira katono ng awit
mabisang pamawi sa lumbay ng dibdib.

194   Sa tamis ng tinig na kahalak-halak
ng nag-aawitang masasayang Ninfas,
naaanyayahan sampung lumilipad
sari-saring ibong agawan ng dilag.

195   Kaya nga't sa sanga ng kahoy na duklay,
sa mahal na batis na iginagalang
ng bulag na hentil ay nagluluksuhan,
ibo'y nakikinig ng pag-aawitan.

196   Aanhin kong saysayin ang tinamong tuwa
ng kabataan ko'y malawig na lubha;
pag-ibig ni ama'y siyang naging mula,
lisanin ko yaong gubat na payapa.

Isinalaysay ni Florante ang kanyang buhay. Na sanggol pa lamang siya sa bakasyunang malapit sa bundok ng kanyang mga magulang na Duke Briseo at Prinsesa Floresca (sa Albanya) ay muntik sa siyang dagitin ng isang buwitre na mabuti na lamang ay napana ng pinsan niyang si Menalipo na taga-Epiro. Ang kanyang ama ay tagapagpayo ni Haring Linseo ng Albanya. Kaya’t kahit na siya ay anak ng prinsesa sa Krotona, siya ay isinilang sa Albanya. Sa bulwagan naman ng kanilang palasyo ay sinambilat ng isang alkon ang kwintas niyang may palawit na diyamante o kupidong diyamante. Noo’y bago pa lamang siyang lumalakad (ang alkon ay isang uri ng ibon na nahahaling o naaakit sa makikintab o kumikinang na mga bagay). Nang siyam na taong gulang siya’y pamana ng ibon at ibang mga hayop ang kanyang libangan.

Learn this Filipino word:

lamán ng lamán