Kabanata 11: Mabuting Kaibigan

136   Nang magtagumpay na ang gererong bantog
sa nangakalabang mabangis na hayop,
luha'y tumutulong kinalag ang gapos
ng kaawa-awang iniwan ang loob.

137   Halos nabibihay sa habag ang dibdib,
dugo'y nang matingnang nunukal sa gitgit;
sa pagkalag niyang maliksi'y nainip
sa siga-sigalot na madlang bilibid.

138   Kaya ang ginawa'y inagapayanan,
katawang malatang parang bagong bangkay,
at minsang pinatid ng espadang tangan,
walang awang lubid na lubhang matibay.

139   Umupo't kinalong na naghihimutok,
katawang sa dusa hininga'y natulog;
hinaplos ang mukha't dibdib ay tinutop,
nasa ng gerero'y pagsaulang-loob.

140   Doon sa pagtitig sa pagkalungayngay,
ng kaniyang kalong na kalumbay-lumbay,
ninilay niya at pinagtatakhan
ang dikit ng kiyas at kinasapitan.

141   Namamangha naman ang magandang kiyas,
kasing-isa't ayon sa bayaning tikas;
mawiwili disin ang iminamalas
na mata, kundangan sa malaking habag.

142   Gulung-gulong lubha ang kanyang loob,
ngunit napayapa nang anyong kumilos
itong abang kandong na kalunos-lunos,
nagising ang buhay na nakakatulog.

143   Sa pagkalungayngay mata'y idinilat,
himutok ang unang bati sa liwanag;
sinundan ng taghoy na kahabag-habag;
Nasaan ka, Laura, sa ganitong hirap?

144   Halina, giliw ko't gapos ko'y kalagin,
kung mamatay ako'y gunitain mo rin;

pumikit na muli't napatid ang daing,
sa may kandong naman takot na sagutin.

145   Ipinanganganib ay baka mabigla,
magtuloy mapatid hiningang mahina;
hinintay na lubos niyang mapayapa
ang loob ng kandong na lipos-dalita.

Pagkatapos patayin ang mga leon, agad kinalagan ni Aladin si Florante na sa sandaling iyon ay wala pang ulirat. Nang magkamalay, ang naging bukambibig ay ang kanyang sinisintang si Laura.

Learn this Filipino word:

nabuksán ang langit