Kabanata 10: Ang Pagsaklolo

126   Sa tinaghuy-taghoy na kasindak-sindak,
gerero'y hindi na napigil ang habag;
tinunton ang boses at siyang hinanap,
patalim ang siyang nagbukas ng landas.

127   Dawag na masinsi'y naglagi-lagitik,
sa dagok ng lubhang matalas sa kalis;
Moro'y 'di tumugo't hanggang 'di nasapit
ang binubukalan ng maraming tangis.

128   Anyong pantay-mata ang lagay ng araw
niyong pagkatungo sa kalulunuran;
siyang pagkatalos sa kinalalagyan
nitong nagagapos na kahambal-hambal.

129   Nang malapit siya't abutin ng sulyap
ang sa pagkatali'y linigid ng hirap,
nawalan ng diwa't luha'y lumagaslas,
katawan at puso'y nagapos ng habag.

130   Malaong natigil na 'di nakakibo
hininga'y hinabol at biglang lumayo;
matutulog disin sa habag ang dugo,
kundangang nagbangis leong nangagtayo.

131   Naakay ng gutom at gawing manila,
nag-uli sa ganid at nawalang-awa;
handa na ang ngipi't kukong bagong-hasa
at pagsasabayan ang gapos ng iwa.

132   Tanang balahibo'y pinapangalisag,
nanindig ang buntot na nakagugulat;
sa bangis ng anyo at nginasab-ngasab,
Puryang nagngangalit ang siyang katulad.

133   Nagtaas ng kamay at nangakaakma
sa katawang gapos ng kukong pansira;
nang darakmain na'y siyang pagsagasa
niyong bagong Marteng lumitaw sa lupa.

134   Inusig ng taga ang dalawang leon,
si Apolo mandin na sa Serp'yente Piton;
walang bigong kilos na 'di nababaon
ang lubhang bayaning tabak na pamutol.

135   Kung ipamilantik ang kanang pamatay
at saka isalag ang pang-adyang kamay,
maliliksing leon ay nangalilinlang,
kaya 'di nalao'y nangagumong bangkay.

Hindi nagdalawang-isip si Aladin na sagipin si Florante, na nakatali sa puno at nawalan ng malay. Bagama't magkaaway ang kanilang bayan at hindi sila magkarelihiyon, agad niyang pinatay ang dalawang leon na nakaabang lapain si Florante.

Learn this Filipino word:

bábahâ ng dugô