Kabanata 7: - Page 2 of 3

Si Simoun

(Ang Buod ng “El Filibusterismo”)

Inihimutok ni Simoun na ang kilusan ng kabataan sa pagpapaturo ng Kastila ay ipinagdurusa ng kanyang loob.  Naniniwala siyang matapat sa kabataang ito ang paniniwala na sa kapakanan ng bayan ang kanilang ginagawa.  Ninais niyang kausapin sina Isagani at Macaraeg.  Nguni’t baka di siya pakinggan ng mga ito.  Naisip rin niyang pagpapatayin ang mga ito.

Nagpatuloy si Simoun ukol sa kilusang ibinunsod ng kabataan.  Bukod sa isang pag-aaksaya ng panahon ay nilinlang ninyo ang bayan sa pag-asa sa wala at tinutulungan ninyong magyuko ng ulo sa mga mapangamkam.  Ayaw silang matulad kayo sa mga Kastila? Napakabuti!  Paunlarin ninyo ang katutubong ugali.  Ayaw kayong bigyan ng kinatawan sa Kortes?  Mabuti.  Ano ang magagawa ng isang tinig sa karamihan?  Habang nagmamaramot sila sa pagbibigay ng karapatan sa inyo lalong malaki ang matatamo ninyo pagkatapos upang ibagsak sila at gantihan ng sama ang sama.  Ayaw ituro sa inyo ang kanilang wika, paunlarin ang isang katutubong wikain nang mawala ang pagtatangi-tangi at magkaroon ng mga layuning pambansa.  Huwag hayaang magpalagay ang Kastila na sila ang panginoon dito at sila’y bahagi ng bayang ito kundi manlulupig at dayuhan.  Sa gayo’y matatamo ninyo ang paglaya.  Iyan ang dahilan at binayaan ko kayong mabuhay!

Nakahinga si Basilio.  Aniya’y di siya pulitiko.  Lumagda siya sa kahilingan ukol sa paaralan dahil inaakala niyang iyo’y mabuti.  Sa panggagamot daw siya nakaukol.

Sa kasalukukuyang kalagayan daw ay di makapanggagamot nang mahusay si Basilio ayon kay Simoun.  Ang sakit ng bayan ay siyang higit nangangailangan ng kagamutan.  Walang halaga ang buhay na di nauukol sa isang layuning dakila, parang isang bato sa linang sa halip maging sangkap sa isang gusali.

Ani Basilio pinili niya ang siyensiya para makapaglingkod sa bayan.  Nauwi sa kadakilaan ng karunungan ang pag-uusap.  Ang karunungan ay panghabangpanahon, makatao at pandaigdig.  Sa loob ng ilang daantaon, kapag ang sangkatauhan ay tumalino na, kung wala nang lahi-lahi, lahat ng bayan ay malaya at wala nang mang-aalipin at napaaalipin, iisa na ang katarungan at lahat ng tao’y mamamayan na ng daigdig at ang tanging layunin ng tao ay pagkakamit ng karunungan, ang salitang kagitingan at pag-ibig sa bayan ituturing na panatisismo o kabaliwan at ikabibilanggo ng nagsasabibig nito.

Napailing si Simoun.  Upang makaabot daw sa kalagayang sinabi ni Basilio ang daigdig kailangan munang lumaya ang mga tao at ito ay nangangailangan namang pagpapadanak ng dugo upang ang mga sinisikil ay makalaya sa mapaniil.  Pangarap lamang daw ang kay Basilio.  Ang kadakilaan ng tao ay di magagawa sa pagpapauna sa kanyang panahon kundi nasa pagtugon sa kanyang pangangailangan at hangarin sa pag-unlad.

Napuna ni Simoun na hindi naantig ang kalooban ni Basilio.  Inulos niya ng tuya si Basilio.  Sinabi ni Simoun na walang ginagawa si Basilio kundi tangisan ang bangkay ng ina na parang babae.  Paano ako makapaghihiganti? tanong ni Basilio.  Ako’y dudurugin lamang nila.  Sinabi ni Simoun na tutulungan siya.  Hindi na raw bubuhayin ng paghihiganti ang ina o kapatid niya, tugon ni Basilio.  Ano ang mapapala ko kung sila’y ipaghihiganti?

Learn this Filipino word:

bató ang katawán