Kabanata 21:

Mga Anyo ng Taga-Maynila

(Ang Buod ng “El Filibusterismo”)

Nang gabing iyon ay may pagtatanghal sa teatro de Variendades, ang Les Choches de Corneville ng bantog na mga Pranses.  Ubos kaagad ang tiket, at mahabang-mahaba ang hanay ng nagsipasok.

Isang Kastila ang tanging walang bahala sa pagpasok sa dulaan.  Ito’y si Camarroncocido na anyong pulubi o palaboy.  May lumapit sa kanya na isang kayumangging lalaki na matanda at may amerikanang mahaba’t hanggang tuhod.  Siya’y si Tiyo Kiko.  Pinakitaan nito ng mga mamisong Mehikano si Camarroncocido.  Iisa ang kanilang hanapbuhay: pagdidikit ng mga paskil.

Anim na piso ang iniupa ng mga Pranses kay Tiyo Kiko.  Ani Camarroncocido: E, magkano naman ang ibinigay nila sa mga prayle?  Dapat mong malaman na ang buong kikitain ng palabas ay mauuwi sa mga kumbento.

Ang palabas ay humati sa Maynila.  Mayroong nagsitutol dito bilang masagwa at laban sa moralidad, tulad nina Don Custodio at ng mga prayle.  Mayroon namang nagtanggol dito.  Mga pinuno ng hukbo at mga marino, ang kawani, at maraming matataas na tao.  Laban ang mga babaing may asawa o may kasintahan.  Ang wala nama’y sang-ayon sa opera.  Naging malaki at malaganap ang bulung-bulungan at kasamang nababanggit ang Kapitan Heneral, si Simoun, si Quiroga at mga artista.

Ani Camarroncocido kay Kiko: Ang kalahati ng mga nagsisipasok sa teatro ay manonood dahil sinasabi ng mga prayle na huwag manood: at ang palabas dahil ipinagbabawal ng mga prayle.  Mabuti ang iyong mga paskil ngunit higit na mabisang pantawag ng tao ang pastoral o pagbabawal ng mga pari.

Nang makaalis si Tiyo Kiko ay may napansin si Camarroncocido na mga taong tila hindi sanay mag-amerikana at sa wari’y umiiwas mapuna.  Anya: Mga sekretarya kaya o magnanakaw?  Kinapa ang sariling mga bulsa.  Walang laman.  Ano sa akin sino man sila? anito at nagkibit-balikat.  Isang kagawad ng hukbo ang kumausap sa mga di-kilalang tao na apat o lima sa bawat pulutong.  Pagkatapos, ang kagawad ay lumapit sa karwahe at masiglang nakipag-usap sa taong lulan niyon si Simoun. May narinig ang palaboy na Kastila:  Ang hudyat ay isang putok.  At umalis ang karwahe.  May binabalak! ani Camarroncocido.

Nagpatuloy ng lakad si Camarroncocido.  Dalawang tao ang narinig niyang nag-uusap.  Anang isa na may hawak na rosaryo at kalmen: Ang mga kura ay malakas kaysa Heneral.  Ang heneral ay umaalis; ang mga ay naiiwan.  At yayaman tayo.  Ang hudyat ay isang putok.

Ani Camarroncocido: Doon ang Heneral dito si Padre Salvi.  Kaawa-awang bayan!  Ngunit ano sa akin?

Sa labas ng dulaan ay naroon si Tadeo at isang kababayang baguhan sa lungsod.  Niloloko ni Tadeo ang kababayang tanga sa pagsasasbi ng mgsa kahanga-hangang kasinungalingan.  Maraming mga taong nagdaraan ang sinasabi ni Tadeo na mga kaibiga’t kakilala niyang malalaking tao kahi’t di totoo.  Dumarating sina Paulita Gomez at ang tiyang si Donya Victorina.  Nakilala ni Tadeo si Padre Irene na nakabalatkayo nguni’t di naitago ng tunay na katauhan dahil sa mahaba niyang ilong.  Dumating din si Don Custodio.

Nang makita ni Tadeo na dumating sina Makaraig, Pecson, Sandoval at Isagani ay lumapit ito at bumati sa apat.  May labis na tiket ang mga ito dahil di sumama sa kanila si Basilio.  Inanyayahang pumasok si Tadeo.  Di na naghintay ng ikalawang paanyaya si Tadeo.  Iniwan ang taga-lalawigan na nag-iisa.

Learn this Filipino word:

dagok ng kapalaran