Kabanata 13:

Ang Klase sa Pisika

(Ang Buod ng “El Filibusterismo”)

Isang silid na taluhaba ang silid ng klase. Ang upuan ay parang hagdan na tatlong baytang at nakapaligid sa tatlong panig ng silid.  Sa isang dulo ng silid ay ang hapag ng guro na sa likod ay ang pisarang may nakasulat na Viva! na naroon mula pa nang unang araw ng pasukan sa taong iyon.  Walang palamuti ano man ang mga dingding na bato.  May mga kasangkapan sa pisika nguni’t ito ay nakasusi sa isang aparador na may salamin at kung gamitin man ay ipinakikita lamang sa klase mula sa malayo tulad ng Santisimo ng Pare.  Iyon ay ipinakikita lamang sa mga dayuhan upang di masabi ng mga ito na nahuhuli ang U.S.T. sa ibang bansa sa kahusayan sa pagtuturo at kaya lamang di natututo ang mga Pilipino ay dahil katutubo ang walang-katalinuhan.

Ang guro, si Padre Millon ay isang batang Dominikong napabantog sa Pilosopiya sa Kolehiyo ng San Juan de Letran.  Iyon ang una niyang pagtuturo ng Pisika.

Unang tinanong sa klase ang isang antukin.  Parang ponograpo itong tumugon ng isang isinaulong leksiyon na ukol sa salamin, bahagi nito, kauriang bubog o kalaing.  Pinatigil ng guro ang estudyante.  Pinilosopiya ang musika. Kung kalaing, metal at bubog daw ang salamin ano raw uri ang kahoy na may makintab na barnis o marmol na binuling maigi? Di tinugon ng estudyante ang tanong.  Ipinagpatuloy ang isinaulong aralin na parang plakang natigil at muling pinaandar sa ponograpo.  Pinatigil uli ang estudyante, muling tinanong sa sampay bakod na Kastila.

Binulungan ito ni Pelaez.  Mali ang idinikta.  Sinunod nito.  Natawa pati ang guro matapos insultuhin ang estudyante.  Binigyan uli ng tanong sa bahagi ng salamin.  Kung ano ang ibabaw ay siyang salamin, bale wala ang harapan; ang mahalaga’y ang nasa likuran.  Di ba?  Nalito ang estudyante.  Lahat ay sumesenyas na sumang-ayon na siya at nadiktahan siya ni Pelaez nang Concedo, Padre, (sang-ayon Padre).  Iyon ang itinugon ng estudyante.

Tanong uli ng prayle: Kung katkatin ang asoge sa likod at palitan ng bibingka, ano mayroon?

Bulong ni Pelaez: Bibingka!

Tinawag ng propesor si Pelaez.  Tumayo ang tinawag.  Napabubulong ito kay Placido.  Sa katatapak sa paa ni Penitente ay napasigaw sa sakit ang tagadikta.  Siya ang tinatanong ng propesor matapos na siya’y murahin at taguring espiritu sastre. Sinasabi ng aklat na ang mga salaming kalaing ay binubuo ng tanso o ng iba pang kalaing, totoo o hindi? tanong ng guro.

Ganyan ang sabi ng aklat, Padre, tugon ni Placido.

Learn this Filipino word:

makunat