C. Ang Komisyon sa Halalan

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1
  1. Dapat magkaroon ng isang Komisyon sa Halalan na binubuo ng isang Tagapangulo at anim (6) na mga Komisyonado na dapat ay mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at, sa panahon ng pagkakahirang sa kanila, tatlumpu't limang taon man lamang ang gulang, naghahawak ng titulo sa kolehyo, at hindi kailanman naging kandidato sa ano mang katungkulang halal sa halalang kagyat na sinundan.  Gayon man, ang mayorya nito, kasama ang Tagapangulo, ay dapat na mga kabilang sa Philippine Bar na nagpraktis bilang abogado sa loob ng sampung (10) taon man lamang.
  2. Ang Tagapangulo at mga Komisyonado ay dapat hirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang sa isang pitong (7) taong taning ng panunungkulan na di na muling mahihirang.  Sa unang nahirang, tatlong (3) Kagawad ang manunungkulan sa loob ng pitong (7) taon, dalawang (2) Kagawad sa limang (5) taon, at ang mga natitirang Kagawad sa tatlong (3) taon, na di na muling mahihirang.  Ang paghirang ukol sa ano mang bakante ay dapat lamang na sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan ng hahalinhan.  Kailanman ay di dapat hirangin o italaga ang sino mang Kagawad sa katayuang pansamantala o nanunungkulan.
Seksyon 2

Dapat tumupad ng sumusunod na mga kapangyarihan at mga gawain ang Komisyon sa Halalan:

  1. Magpatupad at mamahala sa pagpapatupad ng lahat ng mga batas at regulasyon na kaugnay ng pagdaraos ng halalan, plebisito, initiative, reperendum, at recall.
  2. Gampanan ang eksklusibong orihinal na hurisdiksyon sa lahat ng mga hidwaan tungkol sa mga halalan, mga kinalabasan at mga katangian ng lahat ng halal na mga pinunong panrehyon, panlalawigan, at panglungsod, at hurisdiksyong paghahabol sa lahat ng mga hidwaan na kinakasangkutan ng mga halal na pinuno ng bayan na pinasyahan ng mga hukuman ng paglilitis na pangkalahatan ang hurisdiksyon, o kinasasangkutan ng mga halal na pinuno ng bayan na pinasyahan ng mga hukuman ng paglilitis na pangkalahatan ang hurisdiksyon, o kinasasangkutan ng mga halal na pinuno ng baranggay na pinasyahan ng mga hukuman ng paglilitis na natatakdaan ang hurisdiksyon.
    Ang mga desisyon, mga pangwakas na utos, o mga kapasyahan ng komisyon tungkol sa mga hidwaan sa halaan na kinasasangkutan ng mga katungkulang halal sa bayan at baranggay ay dapat na pangwakas, maipatutupad, at hindi maipaghahabol.
  3. Magpasya, matangi roon sa mga may kinalaman sa karapatan sa pagboto, sa lahat ng mga suliranin tungkol sa mga halalan, kasama ang pagpapasya sa bilang at kinalalagyan ng mga botohan, paghirang ng mga pinuno at mga inspektor ng halalan, at pagrerehistro ng mga botante.
  4. Magsugo, sa pagsang-ayon ng Pangulo, sa mga sangay at kasangkapang tagapagpatupad ng batas ng Pamahalaan, kasama ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ukol sa tanging layuning matiyak ang malaya, maayos, malinis, mapayapa, at kapani-paniwalang halalan.
  5. Irehistro, pagkaraan ng sapat na paglalathala, ang mga partido, mga organisasyon o mga koalisyong pampulitika na bukod sa iba pang mga kahingian, ay kinakailangang magharap ng kanilang plataporma o programa ng pamahalaan, at kilalanin ang mga lingkod-bayan ng Komisyon sa Halalan.  Hindi dapat irehistro ang mga denominasyon at mga sektang panrelihyon.  Dapat ding tanggihan ang pagrerehistro sa mga naghahangad makamit ang kanilang mga layunin sa pamamagitan ng karahasan o mga labag na kaparaanan, o tumatangging itaguyod at talimahin ang Saligang-Batas na ito, o sinusuportahan ng alin mang banyagang pamahalaan.  Ang kontribusyong pinansyal sa mga partido, organisasyon, koalisyon, o kandidatong pampulitika mula sa banyagang pamahalaan at mga sangay niyon na may kaugnayan sa mga halalan ay ituturing na panghihimasok sa mga gawaing pambansa at, kapag tinanggap, magiging karagdagang batayan sa pagkansela sa pagkarehistro nila sa Komisyon, bukod sa iba pang mga parusa na maaaring itakda ng batas.
  6. Batay sa biniripikahang sumbong o sa pagkukusa nito, magharap ng mga petisyon sa hukuman ukol sa paglalakip o pagwawaksi ng mga botante sa rehistro ng mga kwalipikadong botante; siyasatin at, kung nararapat, usigin ang mga paglabag sa mga batas sa halalan, kasama ang mga kagagawan o pagkukulang na itinuturing na pandaraya, mga pagkakasala at masasamang gawain sa halalan.
  7. Itagubilin sa Kongreso ang mabisang mga hakbangin upang mapaliit ang gastos sa halalan, gayundin ang pagtatakda ng mga lugar na paglalagyan ng mga kagamitan sa propaganda, at mapigil at maparusahan ang lahat ng uri ng mga pandaraya, mga pagkakasala at masasamang gawain sa halalan, at mga panggulong pagkandidato.
  8. Itagubilin sa Pangulo ang pag-aalis sa sino mang pinuno o kawani na isinugo nito, o ang pagpapataw ng ano mang iba pang aksyong disiplinaryo, dahil sa paglabag o pagwawalang-bahala, o pagsuway sa mga tagubilin, utos, o pasya nito.  At,
  9. Iharap sa Pangulo at sa Kongreso ang komprehensibong ulat tungkol sa pamalakad ng bawat halalan, plebisito, initiative, reperendum, o recall.

Learn this Filipino word:

may hangin sa ulo