D. Ang Komisyon sa Awdit
(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)
- Seksyon 1
-
- Dapat magkaroon ng isang Komisyon sa Awdit na bubuuin ng isang Tagapangulo at dalawang Komisyonado na dapat na mga katutubong inianak na mga mamamayan ng Pilipinas at, sa panahon ng pagkahirang sa kanila, tatlumpu't limang taon man lamang ang gulang, mga certified public accountant na hindi kukulangin sa sampung taon ang karanasan sa pag-aawdit o kabilang sa Philippine Bar na nagpraktis bilang abogado sa loob ng sampung taon man lamang at hindi kailanman naging kandidato sa ano mang katungkulang halal sa halalang iniraos kagyat bago isinagawa ang kanilang pagkakahirang. Kailan man ay hindi dapat na magkatulad ng propesyon ang lahat ng mga Kagawad ng Komisyon.
- Ang Tagapangulo at ang mga Komisyonado ay dapat hirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang sa isang pitong taong taning na panahon ng panunungkulan na di na muling mahihirang. Sa mga unang nahirang, ang Tagapangulo ay dapat manungkulan sa loob ng pitong taon, ang isang Komisyonado sa limang taon, at ang isa pang Komisyonado sa tatlong taon, na di na muling mahihirang. Ang pagkahirang sa ano mang bakante ay dapat na ukol lamang sa di natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan ng hahalinhan. Kailan man ay hindi dapat hirangin o italaga ang sino mang Kagawad sa kalagayang pansamantala o nanunungkulan.
- Seksyon 2
-
- Dapat magkaroon ang Komisyon sa Awdit ng kapangyarihan, awtoridad, at tungkuling magsuri, mag-awdit at mag-ayos ng lahat ng mga kwentang nauukol sa tinanggap at kinita, mga paggastos o paggamit ng mga pondo at ariarian, na nauukol, ari o iniingatan lamang bilang katiwala ng Pamahalaan, o ano man sa mga bahagi, sangay, o kasangkapan niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta at sa batayang post-awdit, ang: (a) mga kalupunan, mga komisyon, at mga tanggapang konstitusyonal na pinagkalooban ng pagsasarili sa pananalapi sa ilalim ng Konstitusyong ito; (b) mga nagsasariling mga dalubhasaan at pamantasang pampamahalaan; (c) mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan at ang mga sangay niyon; at, (d) mga entity na di pampamahalaan na tumatanggap ng subsidy o equity, nang tuwiran o di tuwiran, mula sa o sa pamamagitan ng pamahalaan, na hinihingi ng batas o nagkakaloob na institusyon na sumailalim sa gayong pag-aawdit bilang isang kondisyon sa pagtanggap ng subsidy o equity. Gayon pa man, kapag di sapat ang sistemang internal kontrol ng inawdit na mga tanggapan, ang Komisyon ay maaaring gumamit ng mga hakbangin kabilang ang pansamantala o natatanging pre-awdit na kinakailangan at nararapat upang maiwasto ang mga pagkukulang. Ito ay dapat mag-ingat ng pangkalahatang kwenta ng Pamahalaan at, sa panahong maaaring itadhana ng batas, pangalagaan ang mga botser at iba pang nagpapatunay na papeles na kaugnay niyon.
- Dapat magkaroon ang Komisyon ng tanging awtoridad, batay sa mga katakdaan sa Artikulong ito, na magtakda ng saklaw ng awdit at pagsusuri nito, magtatag ng mga kaparaanan at pamaraan na kinakailangan ukol doon, at maglagda ng mga tuntunin at alituntunin sa pagtutuos at pag-aawdit kabilang ang mga ukol sa paghadlang at di pagpapahintulot sa mga paggugol o paggamit ng mga salapi at ariarian ng pamahalaan na tiwali, hindi kinakailangan, labis-labis, maluho, o di makatwiran.
- Seksyon 3
-
Hindi dapat magpatibay ng ano mang batas na sa ano pa mang kaparaanan ay inilalabas sa hurikdiksyon ng Komisyon sa Awdit ang alin mang entity ng pamahalaan o sangay nito ukol sa ano mang pamumuhunan sa salapi ng bayan.
- Seksyon 4
-
Ang Komisyon ay dapat magharap sa Pangulo at sa Kongreso, sa loob ng panahong itinatakda ng batas, ng taunang ulat na sumasaklaw sa kalagayan at pagpapakilos sa pananali ng Pamahalaan, ng mga bahagi, mga sangay, at mga instrumentaliti niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan, at mga entity na di-pampamahalaan, batay sa awdit nito at magtagubilin ng mga hakbangin na kinakailangan upang mapag-ibayo ang kakayahan at pagkamabisa ng mga ito. Ito ay dapat magharap ng iba pang mga ulat na maaaring kailanganin ng batas.