B. Ang Komisyon sa Serbisyo Sibil

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1
  1. Ang Serbisyo Sibil ay dapat pangasiwaan ng Komisyon sa Serbisyo Sibil na binubuo ng isang Tagapangulo at dalawang Komisyonado na dapat ay mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at, sa panahon ng pagkahirang sa kanila, tatlumpu't limang taon man lamang ang gulang, may subok na kakayahan sa pangangasiwang pambayan, at hindi kailanman naging kandidato sa ano mang katungkulang halal sa halalang iniraos kagyat bago ang kanilang pagkakahirang.
  2. Ang Tagapangulo at ang mga Komisyonado ay dapat hirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang para sa isang taning na panahon ng panunungkulan na pitong taon na di na muling mahihirang.  Sa mga unang nahirang, ang Tagapangulo ay dapat manungkulan sa loob ng pitong taon, ang isang Komisyanado sa limang taon, at ang isa pang Komisyonado sa tatlong taon, na di na muling mahihirang.  Ang paghirang ukol sa ano mang bakante ay dapat lamang sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan ng hahalinhan.  Kailanman ay hindi dapat hirangin o italaga ang sino mang Kagawad sa katayuang pansamantala o nanunungkulan.
Seksyon 2
  1. Sumasaklaw ang Serbisyo Sibil sa lahat ng mga sanga, bahagi, instrumentaliti, at sangay ng Pamahalaan, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta.
  2. Ang mga paghirang sa Serbisyo Sibil ay dapat gawin lamang ayon sa kanilang merito at kabagayan na pagpapasyahan, hangga't maaari, at maliban sa mga katungkulang nagpapasya ng patakaran, lubhang kompidensyal o totoong teknikal, sa pamamagitan ng paligsahang pagsusulit.
  3. Hindi dapat matiwalag o masuspindi ang sino mang pinuno o kawani ng Serbisyo Sibil maliban sa kadahilanang itinatadhana ng batas.
  4. Ang sino mang pinuno o kawani ng Serbisyo Sibil ay hindi dapat lumahok, nang tuwiran o di-tuwiran, sa alin mang pangangampanya sa halalan o sa iba pang pampartidong gawain sa pulitika.
  5. Hindi dapat ipagkait sa mga kawani ng pamahalaan ang karapatang magtatag ng sariling organisasyon.
  6. Ang mga pansamantalang kawani ng pamahalaan ay dapat bigyan ng proteksyon gaya ng maaaring itadhana ng batas.
Seksyon 3

Bilang punong sangay pantauhan ng Pamahalaan, ang Komisyon sa Serbisyo Sibil ay dapat magpairal ng isang career service at magpatibay ng mga panukalang magpapasulong ng kasiglahan, kahusayan, karangalan, kahandaan, pag-unlad, at paggalang sa serbisyo sibil.  Dapat nitong palakasin ang sistema ng merito at gantimpala, pagsama-samahin ang lahat ng mga palatuntunan sa pagpapaunlad ng yamang-tao para sa lahat ng antas at ranggo, at isakatatagan ang isang kaligiran sa pamamahala na naaangkop sa kapanagutang pambayan.  Ito ay dapat magharap sa Pangulo at sa Kongreso ng taunang ulat tungkol sa mga palatuntunang pantauhan nito.

Seksyon 4

Ang lahat ng mga pinuno at mga kawaning pambayan ay dapat manumpa o magpatotoo na ipagsasanggalang at ipagtatanggol ang Konstitusyong ito.

Seksyon 5

Dapat magtadhana ang Kongreso ng mga pamantayan sa sweldo ukol sa mga pinuno at kawani ng pamahalaan, kasama na rin ang mga nasa korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta, na isinasaalang-alang ang uri ng mga pananagutan na nauukol, at ang mga kwalipikasyong hinihingi para sa kanilang mga katungkulan.

Seksyon 6

Ang sino mang kandidato na natalo sa alin mang halalan ay hindi dapat hirangin, sa loob ng isang taon makaraan ang halalang iyon, sa alin mang katungkulan sa Pamahalaan, o sa alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o sa mga sangay nito.

Learn this Filipino word:

ibig na ayaw