A. Mga Karaniwang Tadhana

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1

Ang mga Komisyong Konstitusyonal, na dapat na malaya, ay ang Komisyon sa Sebisyo Sibil, Komisyon sa Halalan, at Komisyon sa Awdit.

Seksyon 2

Ang sino mang Kagawad ng isang Komisyong Konstitusyonal, sa panahon ng kanyang panunungkulan, ay hindi dapat humawak ng ibang katungkulan o trabaho.  Hindi rin siya dapat magpraktis ng ano mang propesyon o aktibong mamahala o mangasiwa ng ano mang negosyo na sa ano pa mang paraan ay maaaring makaugnay sa mga gawain ng kanyang katungkulan, ni hindi dapat maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di tuwiran sa ano mang kontrata sa, o sa ano mang prangkisa o pribilehiyong kaloob ng, Pamahalaan, o ano mang bahagi, sangay, o instrumentaliti niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o ang mga sangay nito.

Seksyon 3

Ang sahod ng Tagapangulo at mga Komisyonado ay dapat itakda ng batas at hindi dapat bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Seksyon 4

Dapat humirang ang mga Komisyong Konstitusyonal ng kanilang mga pinuno at kawani ayon sa batas.

Seksyon 5

Dapat magtamasa ng pagsasarili sa pananalapi ang mga Komisyon.  Dapat na kusa at regular na ipalabas ang kanilang pinagtibay na taunang laang-gugulin.

Seksyon 6

Ang bawat Komisyon en banc ay maaaring maglagda ng sarili nitong mga tuntunin tungkol sa mga pleading at praktis dito o sa alin mang tanggapan nito.  Gayon man, ang mga tuntuning iyon ay hindi dapat magbawas, magdagdag, o magbago ng mga karapatang makabuluhan.

Seksyon 7

Ang bawat Komisyon ay dapat tumupad ng iba pang mga gawain na maaaring itadhana ng batas.

Seksyon 8

Dapat pagpasyahan ng bawat Komisyon sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng mga Kagawad nito ang ano mang kaso o bagay na iniharap sa pagpapasya o paglutas nito sa loob ng animnapung araw mula sa petsa ng pagkakaharap niyon.  Ang isang kaso o bagay ay ituturing na iniharap sa pagpapasya o paglutas sa sandaling iharap ang panghuling pleading, brief, o memorandum na itinatakda ng mga tuntunin ng Komisyon o ng Komisyon na rin.  Matangi kung naiiba ang itinatadhana ng Konstitusyong ito o ng batas, ang ano mang pasya, utos, o hatol ng bawat Komisyon ay maaaring idulog sa bisa ng certiorari sa Kataastaasang Hukuman ng naghahabol na panig sa loob ng tatlumpung araw pagkatanggap ng isang sipi niyon.

Learn this Filipino word:

halu-halong kalamay