Artikulo XII: - Page 3 of 4

Pambansang Ekonomiya at Patrimonya

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 10

Sa tagubilin ng sangay sa ekonomiya at pagpaplano, dapat ilaan ng Kongreso sa mga mamamayan ng Pilipinas o sa mga korporasyon o mga asosasyon na ang animnapung porsyento man lamang ng puhunan ay ari ng gayong mga mamamayan, o ang mas mataas na porsyento na maaaring itakda ng Kongreso, ang ilang mga larangan ng pamumuhunan kailan man at ganinto ang iniaatas ng pambansang kapakanan.  Dapat magsabatas ang Kongreso ng mga hakbanging magpapasigla sa pagbubuo at pagpapalakad ng mga negosyo na ang puhunan ay aring ganap ng mga Pilipino.

Sa pagkakaloob ng mga karapatan, mga pribilehiyo at mga konsesyon na sumasaklaw sa pambansang ekonomiya at patrimonyo, dapat unahin ng Estado ang mga kwalipikadong Pilipino.

Dapat regulahin at gamitin ng Estado ang awtoridad nito sa mga puhunang dayuhan na saklaw ng pambansang hurisdiksyon nito at nang naaalinsunod sa mga pambansang tunguhin at mga prayoriti nito.

Seksyon 11

Hindi dapat ipagkaloob ang ano mang prangkisa, sertipiko, o iba pang anyo ng pahintulot sa pagpapalakad ng kagamitang pambayan maliban sa mga mamamayan ng Pilipinas o sa mga korporasyon o mga asosasyong itinatag sa ilalim ng batas ng Pilipinas na ang animnapung porsyento man lamang ng puhunan ay ari ng gayong mga mamamayan, ni hindi dapat na ang prangkisa, sertipiko, o pahintulot ay tanging-tangi sa uri o hihigit pa sa limampung taon ang itatagal.  Ni hindi dapat ipagkaloob ang gayong prangkisa o karapatan maliban sa kondisyon na ito ay dapat sumailalim ng pagsususog, pagbabago, o pagpapawalang-saysay ng Kongreso kapag kinakailangan ng kabutihang panlahat.  Dapat pasiglahin ng Estado ang tanan na makilahok sa pamumuhunan sa mga kagamitang pambayan.  Ang paglahok ng mga mamumuhunang dayuhan sa mga pamatnugutan sa ano mang kalakalan sa kagamitang pambayan ay dapat matakda sa kanilang katumbas na sapi sa puhunan niyon, at ang lahat ng mga pinunong tagapagpaganap at tagapamahala ng gayong mga korporasyon o asosasyon ay kinakailangang mga mamamayan ng Pilipinas.

Seksyon 12

Dapat magtaguyod ang Estado ng makiling na paggamit ng paggawang Pilipino, domestikong materyales at mga kalakal na yaring lokal at dapat magpatibay ng mga hakbangin upang makalaban sa kompitensya ang mga ito.

Seksyon 13

Dapat magtaguyod ang Estado ng patakarang pangkalakalan na mauukol sa kagalingang panlahat at magsasagamit sa lahat ng mga anyo at ayos ng palitan na nasasalig sa pagkakapantay-pantay at pagtutumbasan.

Seksyon 14

Dapat magtaguyod ang Estado ng patuluyang pagpapaunlad ng isang pambansang pagpipisan ng talino ng mga Pilipinong sayantist, mga mamumuhunan, mga propesyonal, mga manedyer, mataas na kaantasan ng laang-bisig na teknikal at mga bihasang manggagawa at mga artisan sa lahat ng mga larangan.  Dapat magtaguyod ang Estado ng angkop na teknolohya at magregula ng paglilipat ng teknolohya para sa kapakinabangan ng bansa.

Dapat ilaan lamang sa mga mamamayang Pilipino ang pagpapraktis ng lahat ng mga propesyon sa Pilipinas, matangi sa mga kalagayang itatakda ng batas.

Seksyon 15

Dapat lumikha ang Kongreso ng isang sangay na magtataguyod sa pag-iral at pagsulong ng mga kooperatiba bilang mga kasangkapan para sa katarungang panlipunan at kaunlarang pangkabuhayan.

Seksyon 16

Hindi dapat magtadhana ang Kongreso, maliban sa pamamagitan ng pangkalahatang batas, ukol sa pagbubuo, pagtatatag, o pagreregula ng mga pribadong korporasyon.  Maaaring lumikha o magtatag ng mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga tanging karta para sa kabutihan ng lahat at nasasalalay sa pagsubok sa pagiging kapaki-pakinabang nito.

Learn this Filipino word:

hulog ng langit