Artikulo XII:

Pambansang Ekonomiya at Patrimonya

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1

Ang mga tunguhin ng pambansang ekonomiya ay higit pang ekwitableng pamamahagi ng mga pagkakataon, kita at kayamanan; sustinadong pagpaparami ng mga kalakal at mga paglilingkod na liha ng bansa para sa kapakinabangan ng sambayanan; at lumalagong pagkaproduktibo bilang susi sa pag-aangat ng uri ng pamumuhay para sa lahat, lalo na sa mga kapus-palad.

Dapat itaguyod ng Estado ang industryalisasyon at pagkakataon na magkahanapbuhay ang lahat batay sa mahusay na pagpapaunlad ng pagsasaka at repormang pansakahan, sa pamamagitan ng mga industrya na gumagamit nang lubusan at episyente sa mga kakayahan ng tao at mga likas na kayamanan, at nakikipagpaligsahan kapwa sa mga pamilihang lokal at dayuhan.  Gayon man, dapat pangalagaan ng Estado ang mga negosyong Pilipino laban sa marayang kompitensyang dayuhan at mga nakamihasnan sa pangangalakal.

Sa pagsisikap na matamo ang mga tunguhing ito, dapat bigyan ng lubos na pagkakataong umunlad ang lahat ng mga sektor ekonomiko at mga rehyon ng bansa.

Dapat pasiglahin ang mga pribadong negosyo, pati na mga korporasyon, mga kooperatiba at katularing mga lansakang organisasyon, sa pagpapalawak ng base ng kanilang pagmamay-ari.

Seksyon 2

Ang lahat ng mga lupaing ari ng bayan, mga tubig, ang mineral, karbon, petrolyo at iba pang mga langis mineral, lahat ng mga lakas na magagamit na enerhya, mga pangisdaan, mga kagubatan o mga kahuyan, buhay-ilang, halaman at hayop, at iba pang mga likas na kayamanan ay ari ng Estado.  Hindi maaaring ilipat kanino man ang lahat ng iba pang mga likas na kayamanan maliban sa mga lupaing pansakahan.  Dapat sumailalim sa ganap na kontrol at superbisyon ng Estado ang paggalugad, pagpapaunlad, at pagsasagamit ng mga likas na kayamanan.  Ang mga gawaing ito ay maaaring tuwirang isagawa ng Estado, o ito ay maaaring makipagkasunduang ko-produksyon, magkasamang pakikipagsapalaran, bakasang produksyon sa mga mamamayang Pilipino o sa mga korporasyon o mga asosasyon na ang animnapung porsyento man lamang ng puhunan ay ari ng gayong mga mamamayan.  Ang gayong mga kasunduan ay maaaring ukol sa panahong hindi hihigit sa dalawampu't limang taon, na mapapanibago sa hindi hihigit sa dalawampu't limang taon, at sa ilalim ng mga termino at mga kondisyon na maaaring itadhana ng batas.  Sa kalagayan ng mga karapatan sa patubig, panustos-tubig, mga pangisdaan o mga gamit pang-industriya na iba sa pagpapaunlad ng lakas-tubig, ang gamit na kapaki-pakinabang ang maaaring maging sukatan at katakdaan ng pagkakaloob.

Dapat pangalagaan ng Estado ang yamang-dagat ng bansa sa mga karagatang pangkapuluan, dagat teritoryal at eksklusibo na sonang pangkabuhayan nito, at dapat ilaan ang eksklusibong paggamit at pagtatamasa nito sa mga mamamayang Pilipino.

Maaaring pahintulutan ng Kongreso sa pamamagitan ng batas ang maliitang pagsasagamit ng mga likas na kayamanan ng mga mamamayang Pilipino, gayon din ang pangkooperatibang pag-aalaga ng isda, na ang prayoriti ay sa tawid-buhay na mga mangingisda at mga manggagawang pang-isda sa mga ilog, mga lawa, mga look, at mga dagat-dagatan.

Ang Pangulo ay maaaring makipagkasunduan sa mga korporasyong aring-dayuhan na kinapapalooban ng tulong teknikal o pinansyal para sa malawakang paggalugad, pagpapaunlad, at pagsasagamit ng mga mineral, petrolyo at iba pang mga langis mineral alinsunod sa mga pangkalahatang termino at mga kondisyon na itinatadhana ng batas, batay sa mga tunay na ambag sa pagsulong na pangkabuhayan at sa kagalingang panlahat ng bansa.  Sa gayong mga kasunduan, dapat itaguyod ng Estado ang pagpapaunlad at paggamit sa mga lokal na batis syentipiko at teknikal.

Dapat ipagbigay-alam ng Pangulo sa Kongreso ang bawat kontratang pinakipagkayarian alinsunod sa tadhanang ito sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagkakapagsagawa nito.

Pages

Learn this Filipino word:

mahabà ang alulód