Artikulo XI:

Kapanagutan ng mga Pinunong Bayan

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1

Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan.  Ang mga pinuno at mga kawaning pambayan at kinakailangang mamalaging nananagutan sa mga taong-bayan, maglingkod sa kanila na taglay ang pinakamataas na pakundangan, dangal, katapatan, at kahusayan, manuparan na taglay ang pagkamakabayan at katarungan, at mamuhay nang buong kapakumbabaan.

Seksyon 2

Ang Pangulo, ang Pangalawang-Pangulo, ang mga Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, ang mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, at ang Ombudsman ay maaaring alisin sa katungkulan sa pamamagitan ng impeachment, at pagkahatol doon sa tandisang paglabag sa konstitusyon, pagtataksil, pagpapasuhol, graft and corruption, iba pang mabibigat na krimen, o pagkakanulo sa pagtitiwala ng bayan.  Ang lahat ng iba pang mga pinuno at kawaning pambayan ay maaaring alisin sa katungkulan ayon sa itinatadhana ng batas subalit hindi sa pamamagitan ng impeachment.

Seksyon 3
  1. Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat magkaroon ng tanging kapangyarihang magpasimula sa lahat ng mga kaso ng impeachment.
  2. Ang isang pinanumpaang sakdal ukol sa impeachment ay maaaring iharap ng sino mang Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan o ng sino mang mamamayan sa pamamagitan ng isang resolusyon ng pagsang-ayon ng sino mang Kagawad niyon, na dapat isama sa palatuntunan ng Pagpupulungan sa loob ng sampung araw ng sesyon, at dapat itukoy sa nararapat na Komite sa loob ng tatlong araw ng sesyon pagkatapos noon.  Pagkaraan ng pagdinig at sa pamamagitan ng nakararaming boto ng lahat ng mga Kagawad nito, ang Komite ay dapat magharap ng ulat nito sa Kapulungan sa loob ng animnapung araw ng sesyon mula sa nabanggit na pagtutukoy, kasama ang kaukulang resolusyon.  Dapat ikalendaryo ng Kapulungan ang pagsasaalang-alang sa resolusyon sa loob ng sampung araw ng sesyon pagkatanggap nito.
  3. Dapat kailanganin ang boto ng isang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungan upang patotohanan ang isang katig na resolusyon sa Articles of Impeachment ng Komite, o pawalang-halaga ang salungat na resolusyon nito.  Dapat itala ang boto ng bawat Kagawad.
  4. Kung ang pinanumpaang sakdal o resolusyon sa impeachment ay iniharap ng isang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungan, iyon ay dapat bumuo sa mga Articles of Impeachment, at dapat isunod agad ang paglilitis ng Senado.
  5. Hindi dapat ipagharap ang opisyal ding iyon nang higit sa isang sakdal na impeachment sa loob ng isang taon.
  6. Ang Senado ay dapat magkaroon ng tanging kapangyarihang maglitis sa lahat ng mga kaso ng impeachment.  Kapag nagpulong ukol sa layuning iyon, ang mga Senador ay dapat sumailalim ng panunumpa o pagpapatotoo.  Kapag ang Pangulo ng Pilipinas ay nililitis, ang Punong Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman ang dapat mangulo, ngunit hindi dapat bumoto.  Hindi dapat parusahan ang sino mang tao nang walang pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng lahat ng mga Kagawad ng Senado.
  7. Ang mga hatol sa mga kaso ng impeachment ay hindi dapat humigit sa pag-aalis sa katungkulan at diskwalipikasyon sa paghawak ng ano mang katungkulan sa ilalim ng Republika ng Pilipinas, ngunit ang panig na naparusahan ay dapat pa ring managot at sumailalim ng pag-uusig, paglilitis at pagpaparusa ayon sa batas.
  8. Ang Kongreso ay dapat maglagda ng mga tuntunin nito sa impeachment upang mabisang maisakatuparan ang layunin ng seksyong ito.
Seksyon 4

Ang kasalukuyang hukuman laban sa katiwalian na tinatawag na Sandiganbayan ay dapat magpatuloy sa tungkulin at tumupad ng hurisdiksyon nito katulad ng sa ngayon o pagkaraan ay maaaring itadhana ng batas.

Seksyon 5

Sa pamamagitan nito ay nililikha ang malayang tanggapan ng Ombudsman, na binubuo ng Ombudsman na tatawaging Tanodbayan, isang panlahatang Depyuti, at isa man lamang Depyuti sa bawat isa sa Luzon, Visayas, at Mindanao.  Maaari ring humirang ng isang hiwalay na Depyuti para sa militari establishment.

Seksyon 6

Ang mga opisyal at mga kawani ng Tanggapan ng Ombudsman, maliban sa mga Depyuti, ay dapat hirangin ng Ombudsman alinsunod sa Batas ng Serbisyo Sibil.

Seksyon 7

Ang Tanodbayan, na umiiral sa kasalukuyan, ay dapat tawagin mula ngayon na Tanggapan ng Tanging Tagausig.  Ito ay dapat magpatuloy sa tungkulin at tumupad ng kapangyarihan nito katulad ng sa ngayon o pagkaraan ay maaaring itadhana ng batas, matangi roon sa mga ipinagkaloob sa katungkulan ng Ombudsman na nilikha sa ilalim ng Konstitusyong ito.

Learn this Filipino word:

bombo