Mga Rehiyong Awtonomus
(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)
- Seksyon 15
-
Dapat lumikha ng mga rehyong awtonomus sa Muslim Mindanao at sa mga Cordillera na binubuo ng mga lalawigan, mga lungsod at mga bayan, at mga lawak heograpiko na may panlahat at namumukod na manang kasaysayan at kalinangan, mga istrukturang pangkabuhayan at panlipunan at iba pang nauugnay na mga katangian alinsunod sa balangkas ng Konstitusyong ito, at ng kataaastaasang kapangyarihan ng bansa gayon din ng karangalang teritoryal ng Republika ng Pilipinas.
- Seksyon 16
-
Ang Pangulo ay dapat tumupad ng pangkalahatang superbisyon sa mga rehyong awtonomus upang matiyak na matapat na sinusunod ang mga batas.
- Seksyon 17
-
Dapat masalalay sa Pamahalaang Pambansa ang lahat ng mga kapangyarihan, mga gawain at mga pananagutan na hindi ipinagkakaloob ng Konstitusyong ito o ng batas sa mga rehyong awtonomus.
- Seksyon 18
-
Ang Kongreso ay dapat magsabatas ng isang batayang batas para sa bawat rehyong awtonomus sa tulong at pakikilahok ng penrehyong sangguniang komisyon na binubuo ng mga kinatawang hinirang ng Pangulo mula sa talaan ng mga nominado ng mga kalupunang multi-sektoral. Dapat tukuyin ng batayang batas ang saligang balangkas ng pamahalaan para sa rehyon na binubuo ng kagawarang tagapagpaganap at kapulungang tagapagbatas, na kapwa dapat na halal at kumakatawan sa mga bumubuong yunit pulitikal. Ang mga batayang batas ay dapat ding magtadhana ng mga tanging hukuman na may hurisdiksyon sa mga batas na personal, pampamilya at pang-ariarian nang naaalinsunod sa mga tadhana ng Konstitusyong ito at ng mga batas pambansa.
Dapat magkabisa ang palikha ng rehyong awtonomus kapag pinagtibay ng mayoryang boto ng mga yunit ng manghahalal sa isang plebisito na tinawag ukol doon, sa pasubali na iyon lamang mga lalawigan, mga lungsod at mga lugar heograpiko na bumoto nang katig sa gayong plebisito ang isasama sa rehyong awtonomus.
- Seksyon 19
-
Dapat magpatibay ng mga batayang batas ang unang Kongreso na inihalal sa ilalim ng Konstitusyong ito, sa loob ng labingwalong buwan simula sa pagkakatatag ng dalawang Kapulungan, para sa mga rehyong awtonomus sa Muslim Mindanao at sa mga Cordillera.
- Seksyon 20
-
Ang batayang batas ng mga rehyong awtonomus, sa loob ng hurisdiksyong teritoryal nito at sa ilalim ng mga tadhana ng Konstitusyong ito at ng mga batas pambansa, ay dapat magtadhana ng mga kapangyarihang tagapagbatas sa:
- Organisasyong pampangasiwaan;
- Paglikha ng mga mapagkukunan ng rebenyu;
- Mga manang lupain at mga likas na kayamanan;
- Mga ugnayang personal, pampamilya at pang-ariarian;
- Panrehyong pagpaplano para sa pagpapaunlad urban at rural;
- Pagpapaunlad na pangkabuhayan, panlipunan at panturismo;
- Mga patakarang pang-edukasyon;
- Pangangalaga at pagpapaunlad sa manang kalinangan; at
- Mga iba pang bagay-bagay na maaaring ipahintulot ng batas para sa pagtataguyod ng kagalingang panlahat ng mga mamamayan sa rehyon.
- Seksyon 21
-
Ang pagpapanatili ng katiwasayan at kaayusan sa mga rehyon ay dapat na pananagutan ng mga lokal na sangay ng pulisya na isasatatag, tutustusan, pangangasiwaan at gagamitin nang naaayon sa mga karamptang batas. Ang pagtatanggol at seguridad ng mga rehyon ay dapat na pananagutan ng Pamahalaang Pambansa.