Mga Tadhanang Pangkalahatan

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1

Ang mga subdibisyong teritoryal at pulitikal ng Republika ng Pilipinas ay ang mga lalawigan, mga lungsod, mga bayan, at mga baranggay.   Dapat magkaroon ng mga awtonomiyang rehiyon sa Muslim Mindanao at sa mga Cordillera ayon sa itinatadhana nito.

Seksyon 2

Ang mga subdibisyong teritoryal at pulitikal ay dapat magtamasa ng awtonomiyang lokal.

Seksyon 3

Ang Kongreso ay dapat magsabatas ng isang kodigo ng pamahalaang lokal na dapat magtadhana ng balangkas ng pamahalaang lokal na higit na matugunin at mapanagutan na itinatag sa pamamagitan ng isang sistema ng desentralisasyon na may mabisang pamamaraan ng pagbawi ng katungkulan, pagpapatiuna at referendum, mag-ayaw-ayaw sa iba't ibang unit ng pamahalaang lokal ng kanilang mga kapangyarihan, mga pananagutan, at mga mapagkukunang-batas, at magtatadhana ng mga katangian, paghahalal, paghirang at pag-alis, taning ng panunungkulan, mga sweldo, mga kapangyarihan at gawain, at mga tungkulin ng mga pinunong lokal, at lahat ng iba pang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kabuuan at papapakilos ng mga unit na lokal.

Seksyon 4

Ang Pangulo ng Pilipinas ay dapat tumupad ng pangkalahatang superbisyon sa mga pamahalaang lokal.   Dapat seguruhin ng mga lalawigan ang mga lungsod at mga bayang nakapaloob sa mga ito, ng mga lungsod at mga bayan ang mga baranggay na nakapaloob sa mga ito, na gaganap ng kanilang kapangyarihan at mga gawain ayon sa pagkakatakda.

Seksyon 5

Dapat magkaroon ang bawat unit ng pamahalaang lokal ng kapangyarihang lumikha ng mga sariling mapagkukunan nito ng kita at magpataw ng mga buwis, butaw at singilin, sa ilalim ng mga panuntunan at katakdaang maaaring itadhana ng Kongreso, naaalinsunod sa saligang patakaran ng awtonomiyang lokal.   Ang gayong mga buwis, butaw, at singilin ay dapat mapunta sa mga pamahalaang lokal lamang.

Seksyon 6

Dapat magkaroon ang mga unit ng pamahalaang lokal ng makatwirang kaparte, ayon sa itatakda ng batas, sa mga pambansang bwis na dapat ipalabas para sa kanila.

Seksyon 7

Dapat na may karapatan ang mga pamahalaang lokal sa karampatang kaparte, sa mga bunga ng paggamit at paglinang ng kayamanang pambansa na nasa kani-kanilang mga lugar, sa paraang itatakda ng batas, kabilang ang pagbibigay ng kaparte sa mga naninirahan sa pamamagitan ng mga tuwirang benepisyo.

Seksyon 8

Ang taning na panahon ng panunungkulan ng mga halal na pinunong lokal, maliban sa mga pinuno ng baranggay na itatakda ng batas, ay dapat na tatlong taon at hindi makapanunungkulan ang sino mang gayong pinuno nang mahigit sa tatlong magkakasunod na taning ng panunungkulan.  Ang kusang pagkakatalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.

Seksyon 9

Ang mga kalupunang lehislatibo ng mga pamahalaang lokal ay dapat magkaroon ng mga kinatawang sektoral ayon sa maaaring itakda ng batas.

Seksyon 10

Ang alin mang lalawigan, lungsod, bayan o baranggay ay hindi maaaring likhain, hatiin, pagsamahin, buwagin o lubhang baguhin ang hanggahan nito, maliban kung naaayon sa mga batayang itinatag ng kodigo ng pamahalaang lokal at sa pagpapatibay ng mayoryang boto sa isang plebisito sa mga unit pulitikal na tuwiwang apektado.

Seksyon 11

Ang Kongreso ay maaaring lumikha sa pamamagitan ng batas ng tanging mga metropolitan sa subdibisyong pulitikal na sasailalim ng isang plebisito ayon sa itinatakda sa Seksyon 4 nito.  Dapat manatili sa nakapaloob na mga lungsod at mga bayan ang kanilang saligang pang-awtonomiya at dapat na may karapatan sa kanilang sariling tagapagpaganap lokal at mga kapulungang tagapagbatas.  Ang hurisdiksyon ng awtoridad metropolitan na lilikhain sa gayong paraaan ay dapat itakda sa mga pangunahing lingkuran na nangangailangan ng koordinasyon.

Learn this Filipino word:

mabilís ang kamáy