Artikulo XII: - Page 2 of 4
Pambansang Ekonomiya at Patrimonya
(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)
- Seksyon 3
-
Ang mga lupaing ari ng bayan ay inuuri na pansakahan, kagubatan o kakahuyan, lupaing mineral, at mga pambansang parke. Ang mga lupaing pansakahan na ari ng bayan ay maaaring uriin pa sa pamamagitan ng batas alinsunod sa mga paggagamitan nito. Dapat limitahan sa mga lupaing pansakahan ang maililipat na mga lupaing ari ng bayan. Hindi maaaring humawak ang alin mang pribadong korporasyon o asosasyon ng mga lupaing maililipat na ari ng bayan maliban sa pamamagitan ng lease, sa taning na panahong hindi hihigit sa dalawampu't limang taon, na mapaninibago sa hindi hihigit sa dalawampu't limang taon, at hindi lalabis sa isang libong ektaryang sukat. Ang mga mamamayan ng Pilipinas ay maaaring mag-lease nang hindi lalabis sa limang daang ektarya, o magtamo sa pamamagitan ng pagbili, homested, o kaloob, nang hindi lalabis sa labindalawang ektarya niyon.
Dapat itakda ng Kongreso, sa pagsasaalang-alang sa mga pangangailangan sa pangangalaga, ekolodyi at pagpapaunlad at alinsunod sa mga hinihingi ng repormang pansakahan, sa pamamagitan ng batas, ang sukat ng mga lupaing ari ng bayan na maaaring tamuhin, paunlarin, hawakan, o paupahan at ang mga kondisyon niyon.
- Seksyon 4
-
Dapat magtakda ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas sa lalong madaling panahon ng mga tiyak na saklaw ng mga lupaing kagubatan at mga pambansang parke, na malinaw na magtatakda ng kanilang mga hanggahan sa lupa. Pagkatapos noon, ang gayong mga lupaing kagubatan at mga pambansang parke ay dapat ikonserba at hindi maaaring dagdagan ni bawasan, maliban sa pamamagitan ng batas. Dapat magtakda ang Kongreso, para sa panahong maaaring ipasya nito, ng mga batas na magbabawal ng pagtotroso sa mga nanganganib na kagubatan at mga sakop ng watershed.
- Seksyon 5
-
Dapat pangalagaan ng Estado, batay sa mga tadhana ng Konstitusyong ito at sa mga patakaran at mga programa sa pagpapaunlad ng bansa, ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa kanilang mga minanang lupain upang matiyak ang kanilang kagalinang ekonomiko, panlipunan, at pangkultura.
Maaaring magtakda ang Kongreso para sa pagpapairal ng mga nakaugaliang batas hinggil sa mga karapatan o mga ugnayan sa ariarian sa pagtiyak sa pagmamay-ari ng minanang lupain.
- Seksyon 6
-
Ang paggamit ng ariarian ay may nauukol na tungkuling sosyal, at lahat ng mga kinatawang pangkabuhayan ay dapat mag-ambag sa kabutihang panlahat. Dapat magkaroon ng karapatan ang mga indibidwal at mga pribadong pangkat, kabilang ang mga korporasyon, mga kooperatiba, at katularing mga lansakang organisasyon, na magmay-ari, magtatag at magpalakad ng mga negosyong pangkabuhayan, sa saklaw ng tungkulin ng Estado na itaguyod ang marapat na katarungan at manghimasok kapag hinihingi ng kabutihang panlahat.
- Seksyon 7
-
Hindi dapat malipat o masalin ang ano mang pribadong lupain maliban sa pagmamana, at sa mga tao, mga korporasyon o mga asosasyon na may karapatang magtamo o maghawak ng mga lupaing ari ng bayan.
- Seksyon 8
-
Sa kabila ng mga tadhana ng Seksyon 7 ng Artikulong ito, ang isang katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas na nawalan ng pagkamamamayang Pilipino ay maaaring paglipatan ng mga lupaing pribado, batay sa mga katakdaang itinatadhana ng batas.
- Seksyon 9
-
Maaaring magtatag ang Kongreso ng isang malayang sangay sa ekonomiya at pagpaplano na pamumunuan ng Pangulo, na dapat magtagubilin sa Kongreso matapos makipagsanggunian sa angkop na mga sangay pambayan, sa iba't ibang pribadong sektor, at sa mga yunit ng pamahalaang lokal, at magsakatuparan ng patuluyan, pinag-isa at magkakaugnay na mga programa at patakaran para sa pagpapaunlad ng bansa.
Hangga't ang Kongreso ay hindi nagtatakda ng naiiba, dapat manungkulan ang Pambansang Pangasiwaan sa Ekonomiya at Pagpapaunlad bilang malayang sangay sa pagpaplano ng pamahalaan.