Manuel L. Quezon
ni Josefina V. Cruz
(Sabayang Pagbigkas)
Quezon, dakila ka sa mga dakila,
Wala pang kapantay ang iyong ginawa;
Sa bayan mong mahal, ikaw ay biyaya,
Sa bawat mamamayan ay nagbigay-pala.
Katarungan ay natupad,
Nang manungkulan ka nang taos at tapat;
Itong magsasaka, nahango sa hirap
Naging masaya na mga kapus-palad.
Sa iyo nakasumpong ang mga mahirap
Tapat na pagkupkop, tunay na paglingap;
Naging pantay-pantay sa harap ng batas,
Itong katarunga'y nalasap nang ganap.
Nagbukang-liwayway sa iyong Inang Bayan,
Ang laya'y nakamit sa iyong kagitingan,
Ang mga dayuhan iyong tinuturan,
Bayang Pilipinas dapat na igalang.
Quezon, magsaya ka, magdiwang, matuwa,
Natupad na ngayon ang iyong pithaya;
Bayan mo'y malaya ay mayroong wika;
Balana sa iyo ay dumadakila.
Quezon, saan ka man naroroon,
Dinggin itong awit, papuri ay ukol;
Bayang Pilipinas na ipagtanggol,
Nagpupuring lubos, nagdiriwang ngayon.