Mabini: Tanging Bayani
ni Josefina V. Cruz
(Sabayang Pagbigkas)
Nagpupuri, nagdiriwang, nagsasaya
Ang bayang tanawan masiglang-masigla,
Ito’y umaawit, lahat maligaya,
Pagkat ito’y araw ng anak na sinta.
Siya ay si Mabini, magiting, matapang,
Siya ay uliran sa kabayanihan,
Inspirasyo’t huwaran nitong kabataan
Karapat-dapat nga, siya’y papurihan.
Siya’y tanging-tanging bayani ng lahi,
Kanyang pagkalumpo hindi naging sanhi,
Upang itaguyod laya niring lipi;
Ang “Dakilang Lumpo” sa kanya’y taguri.
Ang diwa at isip niyang maluningning,
Ano naging patnubay sa mga landasin,
Ng mga “nabulid sa gabing madilim,”
Utak siya ng himagsikan natin.
Kagitingan niya ay wala sa lakas,
Wala rin sa bisig, lalo na sa tikas,
Ang kadakilaan niya ay sadyang likas
Sa puso’t kaluluwa ito nag-uugat.
Sa dambanang tangi ng mga dakila
Siya’y iniluklok ng bayang malaya;
Sa puso ng tanan ang kanyang gunita,
Hindi malilimot, lalaging sariwa.