Kayganda ng Daigdig

(Sabayang Pagbigkas)

Kayraming bulaklak sa ating paligid
Sari-saring kulay, mabango't marikit
Kayraming bituing nagsabog sa langit
Anong pagkaganda ng ating daigdig

Kayrami ng ibong nangaglipad-lipad
Ang kanilang awit, nagbibigay-galak
Kayrami ng isda sa ilog, sa dagat
Ang daigdig ay sadyang mapalad

Kayganda ng bundok, ng gulod, ng bulkan
Kayganda ng bukid, ng lambak, at parang;
Kayganda ng lawa, ng talon, ng bukal,
Ang ating daigdig ay puno ng kariktan

Ang daloy ng tubig sa sapa at batisan
Parang isang awit, kay-inam pakinggan
At pag-ihip nitong mahinhing amihan
Pati damo't dahon ay nagsisisayaw

Itong Haring Araw na dulot ay liwanag
Ay napakaganda kung bagong sisikat
Maganda rin ito sa tanghaling tapat
Lalong matulain, paglubog sa dagat

Kayganda ng buwan kung nagbibilog na
Kung kabilugan na'y lalo pang maganda
Kayganda ng gabi, kaygandang umaga
Ating paligid anong pagkaganda

Ang hamog sa damo, may iwing kariktan
Kung nagkislap-kislap sa tama ng araw
Ang ulang tikatik, kaysarap pakinggan
Tila humihimig ng isang balitaw

Sa lahat at lahat ng mga kariktan
Sa ating paligid at ng kalikasan
Tayo'y pasalamat sa Poong Maykapal
Na siyang maylikha nitong daigdigan

Learn this Filipino word:

isáng baro't isáng saya ang dalá