Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa

(Parabula / Parable)

Minsan may isang pastol na may isandaang tupa na inaalagaan.  Bawat isa ay kanyang iniingatan at ginagabayan.  Pinoprotektahan din niya sa mga lobo ang kanyang mga tupa, at itinutuwid ng landas sa tuwing sila’y maglalakbay.

Ngunit isang araw, nang bilangin ng pastol ang kanyang mga tupa’y bigla siyang nanlumo.

Siyamnapu’t siyam lamang ang kanyang bilang.  May isang tupa na nawawala.  Sa katunayan, ang tupang iyon ang pinakamaliit sa lahat.  At hinding-hindi niya makakalimutan ang itsura nito at ang tinig nito, bagama’t halos pare-pareho ang itsura ng mga tupa.

Kaagad kumilos ang pastol.  Inayos niya ang siyamnapu’t siyam niyang tupa sa isang tabi, at siya ay lumisan upang hanapin ang nawawalang tupa.  Hindi lubos maintindihan ng naiwang mga tupa kung bakit ganoon na lamang ang pagpapahalaga ng kanilang amo sa isang nawawalang tupa at handa nitong iwan silang siyamnapu’t siyam.  Hanggang sa magbalik ang kanilang amo.  Dala na nito ang nawawalang tupa at ito ay maligayang-maligaya!

Ang sabi ng pastol sa kanyang mga tupa, Sinuman sa inyo ang mawala, hahanapin ko din.  Kung papaano kong hinanap ang isang ito.  Dahil lahat kayo ay mahalaga sa akin.

Mensahe: Ang bawat nilalang ng Diyos ay mahalaga sa kanya. Bawat nilalang na lumalapit sa kanya ay kanyang tatanggapin. Ang bawat humihingi ng tawad ay kanyang patatawarin. Ang bawat nagbabalik-loob ay kanyang tutugunin. At ang lahat ng nawawala ay kanyang hahanapin. Ito ang pag-ibig ng Diyos sa atin na inihalintulad sa isang Pastol na nangangalaga sa kanyang mga tupa.

Learn this Filipino word:

bigatin