Ang Unang Sampaguita

(Alamat / Legend)

May isang halaman na walang bulaklak
At wala ring bunga, sa ganda pa'y salat,
Kaya nga at siya'y laging hinahamak
Laging inaapi, laging nililibak!

Ang sabi ng Santan na nagmamalaki,
Wala ka nang ganda ay wala pang silbi,
Hindi katulad kong bulaklak na iwi
Ang rikit ng kulay ay kawiliwili.

Sabi ni Milegwas, Amuyin mo ako,
Kaysarap ng samyo, kay tamis, kay bango,
Kaya ako'y mahal ng lahat ng tao,
Pang-alay sa Birhen at sa mga Santo.

Ang sabi ni Rosas Mahinhi't maganda
Dilag ko ay masdan at sadyang kakaiba;
Kulay ko ay puti, rosas, saka pula
Ako'y panregalo sa mga dalaga.

Ang bawat halaman sa buong paligid
Sa kay Sampaguita'y laging may parinig,
Kaya nga ito na laging may hapis
Tumawag sa Poon, umiyak nanangis.

Narinig ng Poon iyak na may dusa
Sa laki ng awa, ito ay nagbadya,
Huwag ka nang umiyak at bibigyan kita
Ng mga bulaklak na sadya ang ganda.

Ang mahal na Poon, dumakot sa lukbutan
Mumunting bituin na nagkinang-kinang
Bawat isa nito ay kanyang hinagkan
Saka isinabog sa munting halaman.

Ang bawat bituin ay naging bulaklak kay bango't kay ganda
Ang siyang naging una nating Sampaguita
Magandang pangkuwintas sa mga dalaga
At tanging pang-alay sa mga bisita.

Sampaguitang munti, maputi't mabango
Ay naging sagisag ng sintang bayan ko;
Ito'y may pang-akit sa lahat ng tao,
Bulaklak ng lahi, walang kapareho!

Learn this Filipino word:

nakábuwaya