Kung Bakit Kayumanggi ang mga Pilipino

(Kuwentong-bayan / Folktale)

Minsan, tinanong ko ang aking nanay kung bakit kulay kayumanggi ang kulay ng balat ko tulad ng balat nila ni tatay, ng mga kapatid ko at ng mga kalaro ko.  Isang magandang kuwento ang kanyang isinagot sa tanong kong ito.  Sinimulang niya ang kanyang kuwento sa paglikha ni Bathala ng iba't ibang bagay sa daigdig.

Ayon sa Nanay ko, dating nag-iisa sa daigdig si Bathala.  Malungkot si Bathala sa Kanyang pag-iisa kaya nilikha Niya ang liwanag.  Pagkatapos, nilikha Niya ang langit at lupa.  Ngunit hindi pa rin nasiyahan si Bathala kaya nilikha naman Niya ang araw, buwan at mga bituin.  Pagkatapos nilikha Niya ang ilog, sapa, talon at dagat.

Maganda na ang daigdig ngunit wala pa ring buhay ito, wika ni Bathala.  Kaya nilagyan Niya ang lupa ng mga pananim, ng mga punungkahoy at mga bulaklak.  Isinabog Niya ang mga ibon, paruparo at mga kulisap na naglipad-lipad ang mga ito sa himpapawid.  Idinagdag pa ni Bathala ang iba't-ibang hayop sa lupa at pinalangoy Niya sa dagat at mga ilog ang iba't-ibang isda.  At nasisiyahang pinagmasdan ni Bathala ang Kanyang mga nilikha.

Makulay at may buhay na ang daigdig.  Sayang ang kagandahang ito kung walang makakakita nito.  Sayang kung walang mag-aalaga at maninirahan sa daidig, wika ni Bathala.  Gagawa ako ng tao.  Gagawin ko siyang kamukha ko.

Dumakot si Bathala ng malaking tipak na lupa.  Minasa Niya ito at saka nililok.  Pagkatapos, inilagay niya ito sa pugon upang lutuin.  Nag-antay Siya ng ilang sandali.  Dahil sa kasabikang makita kaagad ang taong Kanyang ginawa, kinuha agad Niya ito sa pugon.

Ay! Maputla ang kulay!  Hilaw pa ang pagkakaluto.  Malaki siguro ang tipak ng nililok kong lupa kaya hindi agad naluto, wika ni Bathala.

Muling dumakot ng lupa si Bathala.  Maliit ito kaysa sa una niyang ginawa.  Muli Niyang nililok at pagkatapos ay inilagay Niya ito sa pugon.

Ngayon, ihuhurno ko ito sa pugon ng matagal.  Hindi ko agad hahanguin upang hindi mahilaw tulad ng unang taong ginawa ko, sabi ni Bathala.

At binantayan ni Bathala ang pagluluto sa pugon.  Dahil sa kakapaguran, nakatulog si Bathala.  Nagising lamang siya dahil sa amoy ng nasusunog na putik.  Madali niyang hinango ito sa loob ng pugon.

Naku, nasunog!  Lubhang nangitim ito dahil sa pagkasunog,  wika ni Bathala.

Sa ikatlong pagkakataon, muling dumakot ng putik si Bathala.  Katamtaman lamang ito.  Hindi malaki at hindi rin maliit.  Pagkatapos, inilagay Niya ito sa pugon at binantayan niya ito nang mabuti.  Isinaalang-alang niya ang haba ng oras sa pagluluto.  Nang inaakala Niyang ito'y luto na ay saka Niya hinango.

Kayganda!  Tamang-tama ang sukat at anyo.  Tamang-tama rin ang pagkakaluto nito, nasisiyahang wika ni Bathala.  Hindi sunog, hindi hilaw, kayumangging tunay.

Learn this Filipino word:

basag-ulo