Nakalbo ang Datu

(Kuwentong-bayan / Folktale)

Ang kuwentong ito ay tungkol sa ating kababayang Muslim.  May katutubong kultura ang mga Pilipinong Muslim tungkol sa pag-aasawa.  Sa kanilang kalinangan, ang isang lalaki ay maaaring mag-asawa nang dalawa o higit pa kung makakaya nilang masustentuhan ang pakakasalang babae at ang magiging pamilya nila.

May isang datu na tumandang binata dahil sa paglilingkod sa kanyang mga nasasakupan.  Lagi siyang abala sa pamamahala ng kanilang pook.  Nalimutan ng datu ang mag-asawa.  Siya ay pinayuhan ng matatandang tagapayo na kinakailangan niyang mag-asawa upang magkaroon siya ng anak na magiging tagapagmana niya.

Napilitang mamili ang datu ng kakasamahin niya habang buhay.  Naging pihikan ang datu dahil sa dami ng magagandang dilag sa pinamumunuang pamayanan.  Sa tulong ng matiyagang pagpapayo ng matatandang bumubuo ng konseho, natuto ring umibig ang datu.  Ngunit hindi lamang iisang dilag ang napili ng datu kundi dalawang dalagang maganda na ay mababait pa.  Dahil sa wala siyang itulak-kabigin kung sino sa dalawa ang higit niyang mahal kaya pinakasalan niya ang dalawang dalaga.

Ang isa sa dalagang pinakasalan ng datu ay si Hasmin.  Siya ay batang-bata at napakalambing.  Kahit na matanda na ang datu, mahal ni Hasmin ang asawa.  Mahal na mahal din siya ng datu kaya ipinagkaloob sa kanya ang bawat hilingin niya.  Dahil sa pagmamahal sa matandang datu, umisip si Hasmin ng paraan upang magmukhang bata ang asawa.

Ah! Bubunutin ko ang mapuputing buhok ng datu.  Sa ganito, magmumukhang kasinggulang ko lamang siya.

Ganoon nga ang ginawa ni Hasmin.  Sa tuwing mamamahinga ang datu, binubunutan ni Hasmin ng puting buhok ang asawa.  Dahil dito, madaling nakakatulog ang datu at napakahimbing pa.

Mahal din ng datu si Farida, ang isa pa niyang asawa.  Maganda, mabait si Farida ngunit kasintanda ng datu.  Tuwang-tuwa si Farida kapag nakikita ang mga puting buhok ng datu.  Kahit maganda siya, ayaw niyang magmukhang matanda.

Tuwing tanghali, sinusuklayan ni Farida ang datu.  Kapag tulog na ang datu, palihim niyang binubunot ang itim na buhok ng asawa.

Dahil sa ipinakikitang pagmamahal ng dalawa sa asawa, siyang-siya sa buhay ang datu.  Maligayang-maligaya ang datu at pinagsisihan niya kung bakit di kaagad siya nag-asawa.  Ngunit gayon na lamang ang kanyang pagkabigla nang minsang manalamin siya, Hindi niya nakilala ang kanyang sarili.

Kalbo! Kalbo, ako!  sigaw ng datu.

Nakalbo ang datu dahil sa pagmamahal ni Hasmin at ni Farida.

Learn this Filipino word:

hindî masarhán ang bibíg