Kaligirang Pangkasaysayan ng Pabula

Ang karaniwang pabula ay mga kuwento na hayop ang gumaganap ngunit kumikilos at nagsasalita na tulad ng tao.  Madalas na inilalarawan dito ang dalawang hayop na may magkaibang ugali at nagwawakas ang kuwento na nagwawagi ang may mabuting ugali at nag-iiwan ng aral.  Ang halimbawa ng pabulang ito ay Ang Aso at ang Uwak, Ang Kuneho at Pagong, at Ang Matalinong Pagong at Hangal na Matsing.  Ang pabula ay tumutukoy sa pang-araw-araw na buhay sa daigdig (maliban sa pagsasalita ng mga hayop), ang mga suliranin ay nilulutas hindi ng mga kababalaghan, na tulad ng mga kuwentong engkantada, kundi sa pamamagitan ng mapanusong paraan, paghahanda, o sa pamamagitan ng matalinong gawa na katulad ng tao sa kanilang paglutas ng suliranin: Nakuha ng aso ang karne sa pagpuri sa uwak.  Naunahan ng pagong ang kuneho dahil sa kanyang matiyaga at patuloy na paglalakad.  Napaglalangan ng pagong ang matsing nang magkunwari siya na ayaw na ayaw niya sa tubig.

Ang mga aral sa mga pabula ay naging bahagi ng ating pang-araw-araw na pakikipag-usap tulad ng Matalino man ang matsing, Huwag bibilangin ang itlog, at Balat man ay malinamnam.  Ngunit hindi naman lahat ng pabula ang pangunahing gumaganap ay hayop, mayroon ding naman na ang gumaganap ay tao katulad ng Ang Batang Sumigaw ng Lobo at Ang Babaing Maggagatas o magkahalong hayop at tao na katulad ng Ang Mabait at Masungit na Buwaya.

Ipinalalagay na nagsimula ang pabula kay Esopo, isang aliping Griyego sa taong 400 B.C.  Siya ay pangit, tuso at matalino ngunit sa kanyang kahusayan sa pagkukuwento ng pabula, siya’y pinalaya at nagkaroon ng tungkulin.

May paniniwala rin na ang pabula ay nanggaling sa Indya at hinango sa Panchantara at Jatakas.  Ang Panchantara (limang aklat) ay sinulat sa Kashmir noong 200 B.C. at ito’y itinuturing na pinakamatandang katipunan ng mga pabula sa Indya.  Ang pamagat ng dalawang aklat ay buhat sa pangalan ng dalawang Lobo (Jackals), Kalilab at Dimab o mga pabula ni Bidpai.  Ito’y isinalin sa Persya, Arabik at Latin at nagtamo ng katanyagan sa Europa.  Isa pang katipunan ng mga pabula sa Indya ang napatanyag, ito’y tinawag na Jatakas.  Ipinalalagay na ito’y lumaganap noong limang daantaon B.B.  Ang Jatakas ay ikinapit ng mga Budhist sa mga kuwentong nauukol sa muling pagkabuhay ni Gautama Buddha.  Ayon sa paniniwala bago siya nagging Buddha ay nagpasalin-salin muna siya sa iba’t ibang hayop tulad ng barako, leon, isda at daga.  Ang Jatakas ay kuwento sa loob ng isang kuwento na sa hulihan ay may patulang aral.  Sa 547 kuwentong Jatakas may 30 lamang ang maaaring pambata.  Ang mga kuwentong Jatakas (Eastern Stories and Legends Jatakas Tales) ay tinipon nina Ellen C. Babbit at Marie Shedlock.

Si Jean de la Fontaine ay naglathala ng kanyang pabulang patula sa Pranses noong 1668.  At noong 1919 si Milo Winter ay naglathala ng The Aesop for Children.  Ang Panitikang Pilipino ay punung-puno rin ng mga pabula at ang mga bata ay maaakit na gumawa ng kanilang sariling kuwento na magtataglay ng aral.

Learn this Filipino word:

nagpápasán ng krus