Tulalang - Page 2 of 3

(Epiko ng Manobo)

Sa pangatlong hamon ay si Tulalang na ang lumaban.  Marami siyang napatay na mga tauhan ni Agio.  Nang siya ay napagod ay umakyat siya sa palasyo at nagpahinga.  Hinalinhan naman siya ng kapatid niyang si Mangampitan.  Sa kanyang kamay naman namatay ang kalahati ng mga kalabang natitira.  Siya ay napagod din at nagpahinga sa palasyo kaya siya ay hinalinhan naman ng pinakabunso sa magkakapatid, si Minalisin.  Nangamatay ng lahat ang mga kalaban maliban kay Agio.  Naglaban naman sina Agio at Minalisin.  Tinamaan ng sibat si Agio.  Nagbalik sa dating anyo si Agio na kanina ay nag-anyong pulubi bago maglabanan.  Siya ay naging isang makisig na binata.  Nagpatuloy sila sa paglalaban hanggang sa mapagod.  Nakita pala sila ng kapatid na babae ni Tulalang sa mahiwagang langis na nagpatulog sa kanila.  Nalaman nila pagkagising na sila palang dalawa ay magpinsan.

Kung araw ay natutulog si Tulalang sa ilalim ng isang punungkahoy.  Isang uwak na nakadapo sa sanga ang dumumi sa kanyang mukha.  Nagising siya at ipinagbigay-alam sa kanya ng uwak na may darating na isang napakalaking higanteng kumakain na tao.  Sinabi rin sa kanya kung paano ito matatagpuan.

Agad-agad ay nagtungo siya sa kagubatan at dito ay nakakita siya ng isang kubong may nainirahang matandang babae.  Sinabi sa kanya ng matanda ang tungkol sa higante at sa magandang dilag na bihag nito.

Tinungo niya agad ang tahanan ng higante na sinabi sa kanya ng matandang babae.  Ang bahay ng higante ay napakataas kaya maraming punong saging na tumubo sa ilalim nito.  Natutulog ang higante at nakakulong ang dalaga sa hawla nang siya’y dumating.  Nagising ang higante.  Sino ang nariyan? ang sigaw ng higante.  Nakaamoy ako ng baboy, tamang-tama sa aking pananghalian.  Hindi ako baboy, ang sagot ni Tulalang.  Ako ay taong kagaya mo.  Kinuha ng higante ang panggarote at ang dalawa ay naglaban.  Nagawang putulin ni Tulalang ang dalawang kamay, dalawang paa at ulo ng higante.

Inilabas ni Tulalang ang babae mula sa hawla.  Napag-alaman ng binata na ang pangalan ng magandang babae ay Macaranga at ang pook na pinanggalingan niya ay Macarangga rin ang pangalan.  Naakit siya sa dalaga kaya niyaya niya itong pakasal.  Tumanggi ang dalaga.  Dahil pagod, si Tulalang ay nakatulog.  Nalimutan tuloy niya ang iniluluhog na pag-ibig sa dalaga.  Nang magising siya ay wala na ang dalaga, ngunit isang suklay ang sadyang iniwan nito at nakuha naman ng binata.  Kaagad siyang nanaog sa tahanan ng higante at sumakay sa kanyang musala.  Nagtanong siya sa pitong babaeng nanahi na natagpuan niya.  Tinungo niya ang itinuro ng mga ito.  Napag-alaman niya na si Macaranga ay nagtungo sa Kulog.  Tinungo niya kaagad ang Kulog, ngunit ang babae raw ay nagtungo sa Kidlat.  Ngunit ito raw ay nasa langit nang puntahan niya.  Nagtungo siya sa langit at dito ay nakita niyang naliligo sa ilog ang dalaga.  Binanggit niyang muli ang kanyang pag-ibig ngunit hiniling ng dalaga na bayaan muna raw siyang makauwi sa kalangitan.

Nakauwi ang dalaga sa kanyang palasyo at napag-alaman niya na ang ama pala niyang hari ay namatay na.  Sa gayon, ang kanilang kaharian ay nangangailangan ng hari.  Pumayag siyang pakasal kay Tulalang.  Umuwi muna si Tulalang sa kanilang kaharian bago pakasal.  Pagdating sa kaharian ay napag-alaman niya na sinalakay na muli ang Kulaman upang kunin ang kanyang kapatid na babae.  Iniligtas muna niya ang kanyang kapatid hanggang sa makalimutan niya ang pangako kay Macaranga.

Minsang wala si Tulalang sa kaharian ay muling sumalakay ang mga kaaway.  Ang hari ng mga Bagyo ang pinuno ng mga kaaway.  Siya ang pinakamalakas na kaaway ni Tulalang sapagkat hindi siya nakikita.  Nagapi ng kaaway ang dalawang kapatid na lalaki ni Tulalang, at ang babae naman ay dinala sa kaharian nito.  Nang tumangging pakasal ang babae sa hari ng mga Bagyo ay nilaslas ang kamay niya.

Learn this Filipino word:

malakás na ang bagwís