Tuwaang
(Epiko ng mga Bagobo)
Ang Tuwaang, epiko ng mga Bagobo, ay isang mahabang tula na nagsasalaysay ng mga kabayanihan ni Tuwaang. Si Tuwaang ay siyang puno ng Kuaman. Balita siya sa katapangan, lakas at kakisigan. Isang araw tumanggap si Tuwaang ng balita na may isang dilag na nagmula sa kalangitan ng Buhong na nakarating sa kaharian ni Batooy upang humingi ng tulong. Tinawagan ni Batooy si Tuwaang. Nagpaalam si Tuwaang sa kapatid niyang babae na kinagigiliwan iyong tawaging Bai, ibig niyang tulungan ang nasabing dalaga. Ayaw mang pumayag ni Bai sapagkat ang gagawin ni Tuwaang ay lubhang mapanganib, hindi rin napigil si Tuwaang sa gagawin niyang pagsaklolo. Sumakay si Tuwaang sa kidlat. Ang karaniwan niyang sasakyan ay hangin. Ngunit sa pagkakataong ito'y humingi siya ng pasintabi sa hangin na hindi ito ang gamiting sasakyan sapagkat siya'y nagmamadali.
Dumaan muna si Tuwaang sa lupain ng Binata ng Pangavukad. Dinulutan si Tuwaang ng itso (ikmo at bunga). Ang pagdudulot ng itso sa panauhin ay kaugalian ng mga Muslim. Pumunta si Tuwaang at ang Binata ng Pangavukad sa lupain ni Batooy. Pagdating nila roon, dahil sa kagandahang lalaki ni Tuwaang ay halos hinimatay ang mga tao sa laki ng paghanga sa binata ng Kuaman. Pumanhik si Tuwaang at sa laki ng pagod dahil sa paglalakbay ay nakatulog siya sa pagkakaupo sa tabi ng dalagang may lambong ng kadiliman, ang dalaga ng Buhong. Nang magising si Tuwaang, dinulutan ang dalawa ng itso at sila'y ngumanga. Mula pa ng dumating sa lupain ni Batooy ay walang nais kausapin ang dalagang may lambong ng kadiliman. Hinintay niya si Tuwaang upang dito sabihin ang kanyang malaking suliranin. Nagkagusto ang binata ng Pangumanon sa dalaga. Malaki naman ang pag-ayaw ng dalaga, subalit nais kunin ng Binata ng Pangumanon ang dalaga sa dahas. Kaya napilitan siyang humingi ng saklolo kay Tuwaang at kay Batooy.
Hindi pa gaanong natatagalan ang pag-uusap ni Tuwaang at ng dalaga ng Buhong ay dumating naman ang Binata ng Pangumanon. Walang taros na pinagtataga ng Binata ng Pangumanon ang tauhan ni Batooy. Para lamang tumatabas ng puno sa isang tubuhan at sa ilang saglit nakabulagta nang lahat ang mga kawal at tauhan ni Batooy.
Nanaog si Tuwaang at nagharap ang dalawang malakas at makapangyarihang lalaki. Ginamit ni Tuwaang ang kanyang kampilan. Sa lakas ng pagtatagaan ay naputol ito. Itinapon ni Tuwaang ang puluhan nito at kaagad na tumulong ang punong malivutu. Gayon din ang nangyari sa binata ng Pangumanon. Ginamit naman ni Tuwaang ang iba pang sandata niyang palihuma, gayon din ang balaraw hanggang nabali rin sa puluhan ang mga ito. At sabay na nagtapon ng baling puluhan ang dalawa at ito'y naging punong maunlapay. Nang magkaubusan na sila ng mga armas, sinunggaban ng Binata ng Pangumanon si Tuwaang at ibig durugin sa kanyang binti. Hindi nasaktan si Tuwaang. Sinunggaban naman ni Tuwaang ang Binata ng Pangumanon at tinangkang ihampas sa malaking bato. Nang sasayad na ang katawan, ang bato ay naging alabok. Tinawagan ng Binata ng Pangumanon ang kanyang patung. Ito'y isang dangkal na bakal na ipinulupot kay Tuwaang. Ang patung ay bumuga ng apoy. Inunat ni Tuwaang ang kamay at namatay ang apoy. Tinawagan naman ni Tuwaang ang kanyang patung at nagliyab ang binata ng Pangumanon at namatay.
Ngumanga si Tuwaang at ibinuga ang tabug ng nganga sa mga tauhan ni Batooy at sila'y nabuhay na lahat. Iniuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuaman. Pagdating nila sa Kuaman ay may ligalig na nagaganap. Pagkatapos na magapi ni Tuwaang ang kalaban, minabuti niyang doon na sila sa bayan ng Katu-san manirahang lahat. Inilulan ni Tuwaang sa sinalimba, isang ginituang sasakyang lumilipad ang lahat niyang tauhan. Pinasan ni Tuwaang sa magkabila niyang balikat ang dalagang Buhong at ang kapatid na si Bai at pumunta rin sila sa Katu-san, ang lupaing walang kamatayan.