Maragtas

(Epikong Bisayas)

Ang epikong Maragtas ay kasaysayan ng sampung magigiting, matatapang at mararangal na datu.  Ang kasaysayan ng kanilang paglalakbay mula Borneo patungo sa pulo ng Panay ay buong kasiyahan at pagmamamalaking isinalaysay ng mga taga-Panay.

Ayon sa ilang ulat at pananaliksik na pinagtahi-tahi at pinagdugtung-dugtong, ganito ang mga pangyayari:

Ang Borneo noon ay nasa pamumuno ng isang malupit at masamang sultan na si Sultan Makatunao.  Kinamkam niya ang lahat ng yaman ng nasasakupan.  Kanya ring pinupugayan ng dangal ang mga babae, pati ang mga asawa at anak na dalaga ng mga datu na nasa ilalim niya.

Isang araw, si Pabulanan, ang asawa ni Datu Paiborong, ang nais halayin at angkinin ng masamang sultan.  Nalaman ni Datu Paiborong ang tangka ni Sultan Makatunao.  Nagbalak ang magigiting na datu na manlaban kay Sultan Makatunao.  Nag-usap-usap silang palihim.  Naisipan sin nilang humingi ng tulong kay Datu Sumakwel.

Si Sumakwel ay mabait, magalang at matalino.  Alam niya ang kasaysayan ng maraming bansa at marami siyang alam kung tungkol sa paglalayag.  Dinalaw ni Datu Paiborong at ni Datu Bangkaya si Sumakwel.  Ipinagtapat ng dalawa ang paglaban na nais nilang gawin.  Ayaw ni Sumakwel sa balak na paglaban.

Pinuntahan ni Sumakwel si Datu Puti.  Si Datu Puti ay punong ministro ni Makatunao.  Sinabi ni Sumakwel ang suliranin ng mga datu at ang balak na paglaban.  Ipinasiya nina Sumakwel at Datu Puti ang palihim na pag-alis nilang sampung datu sa Borneo.  Hindi nila magagapi si Makatunao.  Maraming dugo ang dadanak at marami ang mamamatay.  Ayaw ni Datu Puti na mangyari ang ganoon.  Iiwan nila ang kalupitan ni Sultan Makatunao at hahanap sila ng bagong lupain na maaaring pamuhayan nila nang malaya at maunlad.  Sila'y mararangal na datu na mapagmahal sa kalayaan.

Nagpulong nang palihim ang sampung datu.  Sila'y tatakas sa Borneo.  Palihim silang naghanda ng sampung malalaking bangka, na ang tawag ay biniday o barangay.  Naghanda sila ng maraming pagkain na kakailanganin nila sa malayong paglalakbay.  Hindi lamang pagkain ang kanilang dadalhin kundi pati ang mga buto at binhi ng halamang kanilang itatanim sa daratnan nilang lupain.  Madalas ang pag-uusap ni Sumakwel at ni Datu Puti.  Batid ni Sumakwel ang malaking pananagutan niya sa gagawin nilang paghanap ng bagong lupain.  Silang dalawa ni Datu Puti ang itinuturing na puno, ang mga datung hahanap ng malayang lupain.

Isang hatinggabi, lulan sa kanilang mga biniday o barangay, pumalaot ng dagat ang sampung datu kasama ang kanilang asawa at mga anak at buong pamilya pati mga katulong.  Sa sampung matatapang na datu, anim ang may asawa at apat ang binata.  Si Sumakwel ay bagong kasal kay Kapinangan, si Datu Bangkaya ay kasal kay Katorong na kapatid ni Sumakwel.  Ang mag-asawang si Datu Paiborong at Pabulanan, si Datu Domangsol at ang asawang si Kabiling, ang mag-asawang si Datu Padihinog at Ribongsapaw, Si Datu Puti at ang kanyang asawang si Pinampangan.  Ang apat na binatang datu ay sina Domingsel, Balensuela, Dumalogdog at Lubay.

Learn this Filipino word:

pakanin sa palad