Labaw Donggon
(Epikong Bisaya)
Si Labaw Donggon ay anak ni Anggoy Alunsina at Buyung Paubari. Siya ay napakakisig na lalaki na umibig kay Abyang Ginbitinan. Binigyan niya ng maraming regalo ang ina ni Abyang Ginbitinan na si Anggoy Matang-ayon upang pumayag lamang na makasal ang dalawa. Inimbita niya ang buong bayan sa kanilang kasal. At hindi nagtagal ay umibig siyang muli sa isang magandang babae na nagngangalang Anggoy Doronoon. Niligawan niya ito at hindi nagtagal ay nagpakasal.
At muli ay umibig si Labaw sa isa pang babae na nagngangalang Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata. Ngunit ang babae ay nakasal na kay Buyung Saragnayan na katulad niya na may kapangyarihan din.
Patayin mo muna ako bago mo makuha ang aking asawa,
sabi ni Buyung Saragnayan sa kanya.
Handa akong kalabanin ka,
sagot ni Labaw kay Saragnayan.
Naglaban sila ng maraming taon gamit ang kanilang mga kapangyarihan ngunit hindi mapatay ni Labaw si Saragnayan. Mas malakas ang kapangyarihan ni Saragnayan kaysa kay Labaw.
Natalo si Labaw at siya ay itinali at ikinulong sa kulungan ng baboy ni Saragnayan. Samantala ang kanyang mga asawa na si Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon ay nanganak sa kanilang panganay. Tinawag ni Abyang ang kanyang anak na Asu Mangga at si Anggoy Doronoon na Buyung Baranugun. Gustong makita si Labaw ng kaniyang dalawang anak at nagpasya na hanapin siya. Sa tulong ng bolang kristal ni Buyung Barunugun ay nalaman nlla na bihag siya ni Saragnayan. Ang dalawang magkapatid ay nagtagumpay sa pagpapalaya sa kanilang ama na napakatanda na at ang kanyang katawan ay nababalutan na ng mahabang buhok.
Kailangan nyo munang malaman ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan bago ninyo siya labanan!
sabi ni Labaw sa kanyang dalawang anak.
Opo ama,
sagot ni Baranugun. Ipapadala ko sina Taghuy at Duwindi kay Abyang Alunsini upang itanong ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan.
Nalaman ni Baranugun kay Abyang na ang hininga ni Saragnayan ay itinatago at pinangangalagaan ng isang baboy ramo sa kabundukan. Siya at si Asu Mangga ay nagtungo sa kabundukan upang patayin ang baboy ramo. Kinain nila ang puso nito na siyang buhay ni Saragnayan.
Biglang nanghina si Saragnayan. Alam niya kung ano ang nangyari. Nagpaalam na siya kay Nagmalitong Yawa. Handa na siyang upang kalabanin ang dalawang anak ni Labaw. Si Baranugun lamang ang humarap sa kanya sa isang madugong laban. Napatay siya ni Baranugun sa isang mano-manong laban. Pagkatapos ng labanan ay hinanap nila ang kanilang ama. Nakita nila na siya ay nakasilid sa lambat ni Saragnayan. Natakot sila sa mga kapatid ni Saragnayan. Pinatay silang lahat ni Baranugun at pinalaya si Labaw sa lambat.