Kaligirang Pangkasaysayan ng Epiko

May mga aklat nang nalathala tungkol sa ibang mga anyo ng panitikang pagbigkas, tulad ng mga bugtong, salawikain, awit, pabula, alamat at mito.  Ngunit wala pang puspusang pag-aaral tungkol sa mga epiko, ang pinakamataas na anyo ng panitikang pabigkas.  At mahalaga ang mga epiko di lamang bilang panitikan: ang mga ito’y makabuluhang dokumento rin ng ating lipunan bago pa dumating ang pananampalatayang Muslim at Kristiyano.  May maidadagdag sila sa kakaunting tiyak na kaalaman natin tungkol sa sinaunang panahon ng pambansang kasaysayan.  Bukod dito, ang mga tekstong orihinal ay magagamit ding sanggunian ng mga lingguwista para sa mga namamatay nang mga wikain.

May mga epikong walang tekstong orihinal, tulad ng Handiong ng Bikol, na bagamat siyang pinakaunang naitala (bago pa taong 1867), ay nakasulat naman sa Kastila.  Gayundin, ang Darangen ng mga Maranao ay nasa sa Ingles, ang Indarapatra at Sulayman ng Magindanao ay nasa sa Ingles, at ang bersyong ito’y pinag-aalinlangan pa ng kilalang iskolar na si E. Arsenio Manuel.

Learn this Filipino word:

lakad-susô