Hudhud: - Page 2 of 2

Ang Kuwento ni Aliguyon

(Epiko ng mga Ifugao)

Naglapit ang dalawang mandirigma.  Nagyakap at nagkamayan, tanda ng pagkakaibigan at pagkakapatiran.  Dakila si Aliguyon.  Dakila si Dinoyagan.  Ipinangako nilang sa oras ding iyon na lilimutin na ang alitan ng kanilang ama.  Nagdiwang ang lahat.

Lalong nagkalapit ang damdamin ng dalawang mandirigma nang mapangasawa si Aliguyon si Bugan, ang kapatid ni Dinoyagan at nang maging kabiyak ng dibdib ni Dinoyagan ang kapatid ni Aliguyon.   Nanirahan sila sa kani-kanilang nayon.  Doon sila namuhay nang maligaya.  Doon lumaki ang kani-kanilang mga supling.

Kung may pista o anumang pagdiriwang sa kanilang nayon, buong kasiyahanng pinanonood ng mga taga-nayon ang dalawa lalo na kung sila’y sumasayaw.  Kung mahusay sila sa pakikidigma ay mahusay din sila sa pagsasayaw.  Lumulundag sila at pumailanlang na parang maririkit na agila.

Sa kani-kanilang nayon, tinuruan nina Aliguyon at Dinoyagan ang mga tao tungkol sa marangal na pamumuhay, karangalan, at katapangan ng mga mandirigma, at pagmamahal at pagmamalasakit sa Inang Bayan.  Kahit na sila’y pumanaw, binuhay ng mga Ipugaw ang kanilang kadakilaan.  Inaawit ang kanilang katapangan.  Hindi mawawala sa puso at kasaysayan ng mga Ipugaw ang kagitingan ng dalawang mandirigma.  Nagpasalin-salin sa mga lahi ng Ipugaw, ng mga Pilipino ang dakilang pamana ng mga dakilang mandirigma.

Learn this Filipino word:

pinakabít