Hudhud:
Ang Kuwento ni Aliguyon
(Epiko ng mga Ifugao)
Ang lahat ng tao ay magkakapatid sa kabila ng pagkakaiba sa wika, sa ugali, at sa pananampalataya.
Sa mga hinagdang taniman sa bulubundukin naninirahan si Aliguyon, isang mandirigmang Ipugaw na mabilis at magaling sa paghawak ng sibat. Anak siya ni Antalan, isa ring mandirigma. Maagang natuto ng pakikipaglaban si Aliguyon sa tulong ng kanyang ama. Ang unang larangan ng digma ni Aliguyon ay ang matitigas na lupa sa tabi ng kanilang tahanan. Ang unang sandata niya ay ang trumpo at ang mga unang kalaban niya sa larong ito ay ang mga bata rin sa kanilang pook. Kapag pinawalan ni Aliguyon ang kanyang trumpo, matining na matining na iikot ito sa lupa o kapag inilaban niya ito sa ibang trumpo, tiyak na babagsak na biyak ang laruan ng kanyang kalaban.
Tinuruan din siya ng kanyang ama ng iba’t-ibang karunungan: umawit ng buhay ng matapang na mandirigma, manalangin sa Bathala ng mga mandirigmang ito at matutuhan ang mga makapangyarihang salita sa inusal ng mga pari noong unang panahon.
Ikinintal ni Amtalan sa isip at damdamin ng anak ang katapangan at kagitingan ng loob. Talagang inihanda ng ama si Aliguyon upang maipaghiganti siya ng anak sa matagal na niyang kaaway, kay Pangaiwan ng kabilang nayon. Nang handang-handa na si Aliguyon, nagsama siya ng iba pang mandirigma ng kanilang nayon at hinanap nila ang kalaban ni Antalan. Subalit hindi si Pangaiwan ang natagpuan kundi si Dinoyagan, ang anak na lalaki nito. Mahusay din siyang mandirigma, tulad ni Aliguyon, inihanda rin siya ng kanyang ama sa pakikipaglaban upang maipaghiganti siya ng anak sa kalaban niyang si Antalan.
Kaya anak sa anak ang nagtagpo. Kapwa sila matatapang, kapwa magagaling sa pakikipaglaban lalo na sa paghawak ng sibat.
Itataas ni Aliguyon ang kanyang sibat. Nangingintab ito lalo na kung tinatamaan ng sikat ng araw. Paiikutin ang sibat sa itaas saka mabilis ang kamay ng binatang kalaban. Aabangan ng matipunong kanan ang sibat na balak itimo sa kanyang dibdib.
Tila kidlat na paroo’t-parito ang sibat. Maririnig na lamang ang haging nito at nagmistulang awit sa hangin.
Nanonood ang mga dalagang taga-nayon at sinusundan ng mga mata ang humahanging sibat. Saksakin mo siya, Dinoyagan!
Sasawayin sila ng binata, Kasinggaling ko siya sa labanang ito.
Araw-araw ay nagpatuloy ang kanilang laban hanggang sa ito’y inabot ng linggo, ng buwan. Kung saan-saan sila nakarating. Nagpalipat-lipat ng pook, palundag-lundag, patalun-talon sa mga taniman.
Namumunga na ang mga palay na nagsisimula pa lamang sumibol nang simulan nila ang labanan. Inabot ng taon hanggang sa sila’y lubusang huminto ng pakuluan ng sibat. Walang nasugatan sa kanila. Walang natalo.