Hinihingan Ako ng Tula
ni Dr. José Rizal
(Tagalog version of “Me Piden Versos”)
Hinihinging aking tugtugin ang lira
na laong panahong pipi at sira na,
ni isa mang tinig ay walang makuha’t
nagtampo na mandin sa akin ang Musa;
magbadya pa’y hirap, utal, naiiba
kung napapaliho ang isip kong dala;
nagsisinungaling kapag tumatawa
paris ng bulaang hibik ng pag-asa,
at sa kalungkutang lagay kong mag-isa,
di na makaramdam pati ng kaluluwa!
Nagkapanahon nga at katotohanan,
ngunit yumao na ang panahong iyan
na ako ay isang Makata kung turan
ng pag-uumanhin at ng kaibigan;
sa panahong yaon, ngayo’y wala namang
labing alaala kahit bahagya man,
gaya kung malabi sa mga handaan
ang kagiliw-giliw na mga awitan,
tugtog ng orkestrang hindi napaparam
sa mga pakinig na naligayahan.
Ako ay halamang bagong umaangat,
bagong tumutubo’t sa Silangan buhat;
doon pati hangin ay may halimuyak,
may bango pati na buhay at pangarap!
Bayang di-malimot sandali mang oras!
Ako’y tinuruang kumantang matimyas
ng huni ng mga ibong lumilipad
at ng mga bukal na lumalagaslas,
gayon din ng ugong ng alon sa dagat
pagtalsik sa pampang ng mga talampas.