Ang Tanglaw ng Bayan

ni Dr. José Rizal

Ang hiningang mapagpala ng matinong edukasyon
Ay may bisang mapang-akit, bisang laging dumadaloy,
Inang-Baya'y binubusog sa biyayang mayamungmong,
Inaangat hanggang ito'y sa pedestal maituntong;
At kung paanong ang bulaklak na wari ba'y naluluoy
Ay pamuling sumisigla pag ang hangi'y sumisimoy,
Iyang tao ay ganyan din: umuunlad, sumusulong,
Edukasyon ang sa kanya'y nagbubunsod sa pagsibol.

Tao'y handang tumalikod sa ginhawang pamumuhay,
Kung sa gayon yaong nasang edukasyo'y makakamtan,
Edukasyon sa siyensiya at sa sining ay nagluwal
Upang putong na tanghalin ng sa taong karunungan:
Kung paano ngang sa taluktok ng mataas na tagaytay
Nagmumula yaong batis na malinis at malinaw,
Edukasyon ay ganyan din: lupang kanyang panahanan
Ay lalasap ng biyaya ng payapang kabuhayan.

Edukasyon, pag naghari, kabataan ay lulusog,
Ang katawan at ang isip ay uunlad nang maayos,
Kamalia'y masusupil, diwa niya'y mabubusog
Sa marangal na damdaming sa kaluluwa'y humuhubog;
Tanang bisyo'y mapapawi't sapilitang mauubos;
Umaamo kahit na nga mga bansang asal-hayop;
Ang mabangis, nagbabago at bayaning nababantog.

At kung paanong iyang batis, sa pag-agos na marahan
Naglalagos sa makahoy na bukiri't kaparangan,
Ay may dulot na aruga at saganang pagmamahal
Sa halama't mga damong nilalaro't hinahagkan,
Binubusog sa kalinga ang magandang kalikasan;
Ang matinong edukasyon, kapag ito ay nakamtan,
Ang sa tao'y maluluklok sa mataas na pedestal
Na mahigpit pa sa gintong kapuriha't karangalan.

At ang kanyang mga labi'y dadaluyang walang likat
Ng tubig ng kabaitang kristal wari ang katulad,
At ang kanyang pananalig ay titibay at tatatag,
Ang lakas ng kasama'y masusupil niyang ganap,
Katulad ng mga along di gaanong nagluluwat,
Pagsapit na sa baybayi'y nawawala't nababasag,
At ang kanyang halimbawa ay salaming maliwanag
Ng balana sa paghakbang sa pasulong at pataas.

Learn this Filipino word:

pampatabáng-pusò