Salapi at Paggawa
Tula ni
Victorio S. Francisco
I
Ako’y bisig: gumagawa; ikaw’y pilak: gumugugol,
Pawis, lakas at salapi’y yakap-yakap, tulong-tulong;
Mabigat man ang gawain, kaya nating maibangon
Ay kung laging pataas tayo sa tungkuling nauukol;
Puhunan kang kung palaging sa pasiya’y mahinahon,
Akong bisig, sa pagtupad, gumagawa na walang tutol…
II
Ang salapi mo’y talagang una’t makapangyarihan,
Gumugulong sa daigdig, sa daigdig nakahanay;
Ginto’t pilak ang pahiyas sa iwi mong kamahalan
At sa lahat nang sandali, salapi ang binibilang;
Datapwa, sa pagtulog, paggawa ang inuunan,
Sa pagkain ay paggawa ang napipita mong ulam.
III
Oo, tunay, sa paggawa nabubuhay ang marami,
At ang ayaw sa paggawa’y namumuhay na pulubi;
Ang masikap sa paggawa ay uliran at bayani
Kung tawagin ng Puhunang mapagbigay at mabuti,
Kataga’t kaunlara’y sa Paggawa inaani
Sa tulong ng ginto’t pilak ng Puhunang kumandili.
IV
Puhunan kang may salapi, bisig ako ng dalita
Kapag tayo’y may hidwaan ay kay-raming naluluha,
Kapag tayo’y kapwa tapat sa tungkulin at adhika
Sa kanilang pagsasama, ang ginhawa’y laksa-laksa;
Hindi lamang bayan-bayan ang nalilipos ng tuwa’t
Daigdiga’y nakakatang sa salapi at paggawa.
Sa panahong ito madalas mangyari ang pagtutunggalan ng mga manggagawa at mga mamumuhunan. Ang pagtutungaling ito ay humahangga kung minsan sa pag-aaklasan ng mga manggagawa o sa pagpipinid ng mga pagawaan. Sa gayon, ang karaniwang napipinsala ay ang bayan. Kailangang magkaroon ng mabuting pag-uunawaan ang puhunan at ang paggawa, sapagkat alinman sa dalawang ito’y walang halaga kung hindi tutulungan ng isa. Sa tulang ito’y mababasa ninyo ang kahalagahan ng bawat isa.