Patnubay
Tula ni
Aniceto F. Silvestre
Makapal na ulap:
mataas na bundok ang nakakatulad,
di mapaglagusan ng dating liwanag.
Matang naghahanap,
ang animo’y bulag:
guniguni lamang ang nagpapaningas,
at sikdo ng dibdib ang nakakausap.
Ngunit kung pasilay
ang kahit iisang bituin man lamang,
ang bituing yao’y nagiging patnubay.
Parang inilagay
ng banal na Kamay:
(O, dilag ng langit!) ang hanging amihan,
nagiging harana ng nahintakutan.
Ang sa ibang dusa:
madalas mangyaring nagiging balisa
ng nangaghahanap ng bagong ligaya.
Ngunit pag nagbata,
bukas-makalawa,
nagiging patnubay ng madlang pag-asa,
langit man, sa luha’y buong nakikita.
Sa hangi’y langhapin
ang singaw ng lupa, tubig at pananim,
at diya’y may bango sa madlang panimdim.
Di dapat limutin
na patnubay natin:
kahit ang anag-ag ng munting bituin,
patak man ng luha, bakas man ng lagim.
Ang sinag ng tala,
bayaang patnubay ng paningi’t diwa;
at ang agos namang lumuwa-sumuba,
bayaang magbadha
ng kahit himala
ng matatalunton ng madlang pithaya
na ang hinahanap ay pagka-dakila.
Ulap na nagbundok,
bayaang wasaki’t palisin ng unos;
at ang ilog namang natuyo’t nalagot,
maging dating ilog:
magsanga ng agos.
Maningning ang araw na biglang sisipot
at mananalamin sa tubig, ang Diyos.