Pag-ibig
Tula ni
Teodoro Gener
Umiibig ako, at ang iniibig
ay hindi ang dilag na kaakit-akit
pagka’t kung talagang ganda lang ang nais,
hindi ba’t nariyan ang nunungong langit?
Lumiliyag ako, at ang nililiyag
ay hindi ang yamang pagkarilag-rilag
pagka’t kundi totoong perlas lang ang hangad
di ba’t masisisid ang pusod ng dagat?
Umiibig ako’t sumisintang tunay,
di sa ganda’t hindi sa ginto ni yaman…
Ako’y umiibig, sapagkat may buhay
na di nagtitikim ng kaligayahan…
Ang kaligayahan ay wala sa langit
wala rin sa dagat ng hiwang tubig…
ang kaligayaha’y nasa iyong dibdib
na inaawitan ng aking pag-ibig…