Nangungusap ang Kasaysayan
Tula ni
Lope K. Santos
TAO: Kilala kong sa Sangkalupaan
tanang nilikha, ang Hari ay ikaw.
Ang pag-iisip mo at dunong, kung minsan,
Pati kay Bathala ay nagmamayabang.
At talastas ko ring ang kaligayahan
ay siya mong mithi habang nabubuhay.
Danga’t maaari, pati kamataya’y
ibig mong masupil at mapaglalangan,
upang mabuhay kang magpawalang-hanggan.
Ngunit ang mithi mo’y hindi magtagumpay,
at ang natatamo’y mga kabiguan!...
Ngayon, makinig ka: kita’y tuturuan
ng buhay kung pano hindi mamamatay.
Ang buhay ng Taong di inilalaan
sa bayaning gawa at dakilang asal,
ay hamak na yagit sa lupang ibabaw.
Ibig mong sa Madla ikaw ay mamahal?
Ang paglingkuran mo’y ang Sangkatauhan.
Laging mag-aral ka sa Sangkalikasan,
na ang gawing Guro’y ang pinagdanasa’t
maraming bagay pang di mo nalalaman.
Wala sa nilikhang di may kabagayang
kapuputihan mo ng kadakilaan.
Kilanlin mo sila’t iyong pagtanungan,
at sasagutin ka ng dunong sa buhay.
Kapag nasunod mo ang kanilang aral,
naririto akong sadyang mag-aabang
sa kamatayan mong aking papalitan
ng bago at walang-hanggang kabuhayan.
Akong nangangako ay si KASAYSAYAN,
na tagapagbunyi ng Kabayanihan,
tagatala’t hukom ng Katotohanan.