Makabuhay
Tula ni Nemesio E. Caravana
Lubid kang luntiang sa gubat nanggaling,
Sa bakod ng dampa’y naging salang baging…
Dahil sa dagta mong may pait na lihim,
Hayop man o tao’y takot kang sagiin.
May dala kang ditang kapait-paitan
Na kung lalasahi’y “kadalamhatian”…
Ngunit ang pait mo ay gamot kung minsan,
Sa maling akala’y diwang Makabuhay.
Sa maraming sakit, ikaw ay panlunas,
At sa tagabukid ay gamot sa sugat;
Sa bibig ng bata na sakim sa gatas,
Madalas kang gawing mabisang pang-awat.
Ang ingat mong dagtang simpait ng mira,
Pagsayad sa labi’y nangangaral tila:
“Sa tamis, ang bata kapag namihasa,
Munting kapaita’y mamalakhing dusa.”
Si Kristo sa Kurus, isang halimbawa,
Nang kanyang lagukin ang apdo at suka…
Ang taong masanay uminom ng luha,
Sa sangmundong dusa’y hindi nalulula.
Ang baging na ito, na sukdulan na ng pait, ay hindi siyang tiyak na makabuluhan sa tulang ito, kundi ang bisa ng kaniyang kapaitan. Basahin ninyo at namnamin ang diwa ng tula.