Maliit na Bato

Tula ni Teodoro E. Gener

Isang munting bato ang aking nadampot!...
Nang ako’y mapuno ng duming alabok,
Ay ipinukol ko agad na padabog
Na taglay sa puso ang sama ng loob…

Nang aking ipukol ay tumama naman
Sa lalong malaking bato sa may pampang;
Sa lakas ng tama’y dagling umilandang,
Nagbalik sa aki’t ako ang nasaktan…

Di ko akalaing yaong munting bato
Na tinatapakan ng sino mang tao,
Sa di sinasadyang pagmamalikot ko’y
Batuhin ang biglang naghagis na ako…

Mandin ay totoong ang lahat sa lupa
Ay may katutura’t kagamitang pawa;
Ang bato, kung batong sinlambot ng luha,
Sa palad ng tao’y tatalsik, tatama.

Di iilang tula sa bato ang nangasulat na. Ang halos walang kabuluhang bagay na ito ay malimit maging paksa ng mga makata sa kanilang pagsulat ng patalinghagang tula. Si Jose Corazon de Jesus ay may isang marikit na tulang sinulat na ang pamagat ay “Ang Bato.” Ano naman ang ibig sabihin ni Teodoro E. Gener sa kaniyang tulang ito?

Learn this Filipino word:

sapín ng baúl