Magsaya Ka, Inang…!
Tula ni Catalino V. Flores
Inang, pahirin mo ang luha sa mata
Pagka’t ngayon naman, Inay, ay Pasko na;
Sa lahat ng Pasko’y ngayon ka magsaya,
Ganap nang may layang Pasko’y daratnan ka.
Tipunin mong lahat ang aking kapatid
At kayo’y magdiwang nang taos sa dibdib!
Ang lahat ng tampo’t madlang hinanakit,
Sa puso at diwa’y ganap nang iwaglit.
Ang pagbabalik ko’y huwag nang hintayin,
Pagka’t ako, Inang, ay di na darating;
Akong nang iwan ka’y halos himatayin,
Buto’t bungo ngayong arawi’t ulanin.
Yaring buto’t bungo, ngayo’y magpapasko
Sa piling ng tanang kayakap na damo;
Subalit gayunma’y dadalawin kayo
Ng aking gunita ngayong Paskong ito.
Inang, aking Inang, huwag kang umiyak,
Pahirin ang luha, ngayon ka magalak;
Ako mang bunso mo’y sa ilang nasadlak,
Ang gapos mo nama’y nalagot… nakalag.
Kaiba sa mag tulang nasulat na ukol sa Pasko, ang tulang ito’y may ibang layon.