Kasaganaan
Tula ni
Pedrito Villegas
Kay-inam malasin ang isang tahanan
na nagtatamasa ng kasaganaan,
kaya bumabalong ang kaligayahan
ay dahil sa batis ng saganang buhay.
Masdan mo’t sa sanga ng malagong kahoy
may pugad ng aliw ang dalawang ibon,
sa kaunting sipag ay may yumayabong
na kasaganaan sa magha-maghapon.
Ang ating tiwangwang na mga bukirin
ay nag-aanyaya ng buhay at aliw;
sa bawat sandangkal na lupang bungkalin,
ay may pagkain nang doo’y magsusupling.
Hayan din ang bundok – mataas, malaki
sa kinarapaa’y may ginto’t brilyante,
magkakapilak din kahit na pulubi,
pag ang kasipaga’y pinapamayani.
Ang ilog at dagat ay namumutiktik
sa balong ng isdang yaman ng daigdig,
lambat na mahulog at pising malawit,
sa pagkaing-hapag, di makagigipit.
Ang galaw ng ating makina’t gamlayan,
ay laman ng puso at dugo ng buhay;
ang kilos ng bisig, ang pukpok ng bakal,
may itinatayong bantayog ng yaman.
Lahing may paglaya’y dapat na magsikap
na pasaganain ang pagkai’t pilak,
patagin natin ang araw ng bukas
sa yamang katambal ng talino’t sipag.
Sino sa atin ang hindi naghahangad ng kasaganaan? Ngunit ang labis na kasaganaan ay mangyayari rin namang magbunga ng kapanganyayaan – kapangyayaan ng katawan at ng kaluluwa. Sa mga taong di masinop, ang kasaganaan ay nagbubunga ng katamaran at masamang hilig ng katawan. Anong uri ng kasaganaan ang ipinababatid sa atin ng tulang ito?