Kabayanihan
Tula ni
Lope K. Santos
Ang kahulugan mo’y isang paglilingkod
na walang paupa sa hirap at pagod;
minsang sa anyaya, minsang kusang-loob,
pag-ibig sa kapwa ang lagi mong diyos.
Natatalastas mong sa iyong pananim
iba ang aani’t iba ang kakain;
datapwa’t sa iyo’y ligaya na’t aliw
ang magpakasakit nang sa iba dahil.
Pawis, yaman, dunong, lakas, dugo, buhay…
pinupuhunan mo at iniaalay,
kapagka ibig mong sa kaalipinan
ay makatubos ka ng aliping bayan.
Sa tulong mo’y naging maalwan ang dukha,
sa turo mo’y naging mulat ang mulala,
tapang mo’y sa duwag naging halimbawa’t
ang kamatayan mo ay buhay ng madla.
Tikis na nga lamang na ang mga tao’y
mapagwalang-turing sa mga tulong mo;
ang kadalasan pang iganti sa iyo
ay ang pagkalimot, kung di paglililo.