Hayun sa Kabukiran

Tula ni Pedro Reyes Villanueva

Halika…

At ang kabukira’y sabay na malasin
Sa sugpungang langit ng mga tulain;
Ang lawak na iya’y biyaya sa atin,
Hapag na sagana sa bawat pagkain.

Hayun…

Ang nagdapang uhay sa mayamang lupa,
Buhay bawat butil sa pinggan ng awa;
Kay-gandang malasin ang pananagana,
Parang minamalas ang poong Bathala.

Madali…

Baka maunahan ng sikat ng araw,
Mabitak ang bukid, malaglag ang uhay;
Nag-abang ang daga, ang pugo’t bayakan,
At maraming ibong naggala sa parang.

Lakad na…

Dalhin ang panggapas na tulong ng bisig
At tipunin agad ang yaman ng bukid;
Sa kampay ng kamay at tulo ng pawis,
Punin bawat dampa, bangan, at kamalig.

Ngayon…

May santaong bigas tayong nakalaan,
Kahit na magtago sa ulap ang ulan;
Ang hayop na gutom ay di na daratal,
Kapag bawat bisig ay may pagpapagal.

Hayun…

Ang lawak ng bukid ay magsasalita;
Tamad ay magbangon sa pagkakahiga,
Bukiring matamnan ay pakai’t tuwa,
Ligtas ang marami sa pagdaralita.

Halika…

Malasing mabuti at walang hanggahan,
Ang ganda ng ating mga kabukiran,
Maglilis ng bisig, pag sikat ng araw
At may kakanin ka habang nabubuhay.

Ang tulang ito ay isang panghikayat sa pagbubukid at pagpapahalaga sa kasipagan.

Learn this Filipino word:

tumátandâ nang pauróng