Gabi
Tula ni
Ildefonso Santos
Habang nagduruyan ang buwang ninikat
sa lundo ng kanyang sutlang liwanag,
isakay mo ako. Gabing mapamihag,
sa mga pakpak mong humahalimuyak!
Ilipad mo ako sa masalimsim
na puntod ng iyong mga panganorin;
doon ang luha ko ay padadaluyin
saka iwiwisik sa simoy ng hangin!
Iakyat mo ako sa pinagtipunan
ng mga bitui’t mga bulalakaw,
at sa sarong pilak na nag-uumapaw,
palagusan mo ako ng kaluwalhatian!
Sa gayon, ang akin pusong nagsa-tala’y
makatatanglaw din sa pisngi ng lupa;
samantala namang ang hamog kong luha
sa sangkalikasa’y magpapasariwa!
At ano kung bukas ang ating silahis
ay papamusyawin ng araw ang langit?
Hindi ba’t bukas din tayo ay sisisid
Sa dagat ng iyong mga panaginip?
Kaya ilipad mo, Gabing walang maliw,
ang ilaw at hamog ng aking paggiliw;
ilipad mo habang gising ang damdamin
sa banal na tugtog ng bawat bituin!