Awit ng Hangin
Tula ni
Rufino Alejandro
I
Ang awit ng Kalikasan
At awit ng Katauhan –
Yao’y pulos na awit kong pawang hiram nila lamang:
May sandaling kaysasaya, tila laging nagdiriwang,
May sandaling laylalambing kaylalamyos, kaygagaslaw,
At kung minsan, oh, kung minsan, kaylungkot, kaypanglaw!
II
Ako’y huni niyong ibong
Ang tahana’y mga burol:
Kapag siya’y naglalagos sa gubat at mga nayong
Mapayapang naliligo sa kulay ng dapit-hapon,
Kasaliw ng mga baging, kasaliw ng mga dahong
Umaawit ng awit kong pumapawi ng linggatong…
III
Ang kaluskos at lagitik
Ng mga dahon at siit,
Pag ang ibo’y nagduruyan at sa baging umiidlip
Kung ang buwan ay makinang at ang gabi ay malamig –
Yao’y pawang awit ko rin… sa laot ng panaginip!
IV
Kalaro ko’y mga batang
Sa damuha’y naglipana.
Sa kanilang paglalarong masisigla’t tuwang-tuwa,
May tuksuha’t may tawanang walang patid, walang sawa.
Ang kanilang halakhakan at sigawang masagana’y
Alingawngaw ng awit kong kayamanan nitong lupa.
V
Ako’y “Ay!” ng dalagang
Sa pagsinta’y naulila.
Ang tahip ng kanyang dibdib na pugad ng pagdurusa,
Ang sikdo ng kanyang puso na nilason ng pag-asa,
At ang kanyang piping taghoy sa gitna ng pag-iisa,
Yao’y mga lagut-lagot na bagting ng aking lira…
VI
Ako’y hibik ng kawawang
Inaglahi ng tadhana.
Ang kanilang kasaysayang sa luha ay pigtang-pigta,
Ang kanilang kapalarang tuhug-tuhog na dalita,
At ang hikbi ng kanilang mga pusong nagluluksa’y
Mga paos na hinagpis ng tinig kong nanghihina!
VII
Ako’y dasal sa magdamag
Ng bilanggong kapus-palad.
Sa loob ng bilangguang di-pasukin ng liwanag,
Ako yaong kaaliwang kaulayaw oras-oras…
Kung sa kanyang puso’t diwa ang pag-asa’y tumatakas,
Ako yaong nagbubulong: “Maghintay ka at may BUKAS!”
VIII
Ang awit ng Kalikasan
At awit ng Katauhan –
Yao’y pulos na awit kong pawang hiram nila lamang:
May sandaling kaysasaya, tila laging nagdiriwang,
May sandaling kaylalambing, kaylalamyos, kaygagaslaw,
At kung minsan, oh, kung minsan, kaylulungkot, kaypapanglaw!