Ang Tula
Tula ni
Alejandro G. Abadilla
Sa akin,
Itinatanong mo
Ang tula kung ano…
Subali,
Ang bulong ko kaya’t tinig na mahina’y
Makapukaw na rin sa tulog mong diwa?
Sa akin
Kung gayon,
Muli mong itanong kung ano ang tula.
Ang hangin,
Di mo nakikita’y
Iyong nadarama:
Ah, iyan
Ang tula – ang gandang aayaw pamalas
Sa mga mata mong mapanuring ganap.
Sa buhay
Ang ganda
Ay yaong damdaming di pa dinaranas!
Ang tula’y
Tulad ng babae
Sa iyo, lalaki –
Kay lakas!...
Gayong hindi naman siya nag-uutos
Ikaw ay alipi’t siya’y iyong Diyos.
Ah, kasi’y
Kaluluwang
Di magmamatuwid sapagka’t mataos.
Masdan mo,
ang gabi’y madilim
At putos ng lagim…
Datapwa,
Ang gabi’y ganda rin sa diwang makatang
Uugod-ugod na sa pasang dalita:
Mangyari,
Sa kanya,
Ay hindi na ginto ang buti ni sama.
Sa akin,
Itinatanong mo
Ang tula kung ano…
Ah, iya’y
Ano mang diwa’t piping kagandahang
Balot ng damdaming mayumi ang kulay,
Sapagkat
Sa buhay,
ay dalanging taos sa puso at banal.