Ang Dagat
Tula ni
Rafael Sabino
I
Ako’y dagat, mutyang dagat. Ang pindong ko’y puting kumot,
Araw-gabi ang pasiga’y payapa kong binabalot;
Ang bisig ko’y sutlang duya’t sa duyan ko natutulog
Ang isda kong may sanlibo’t isang laki, kulay, ayos;
Ang yaman ko’y kapalarang ubusin ma’y di maubos
At sa akin nalalagak ang hiyas ng sansinukob;
Sa masipag, ang lahat na’y pangarap kong maidulot
At sa tamad, oh, sa tamad, ako’y likas na maramot!
Sa pusod ko’y may alaga akong iba’t ibang perlas
Na sa loob sa kabibi’y isinilid na maingat;
Gayon pa man kung sisirit maisampa sa itaas,
Sa himlayang puting kontsa’y isa-isang tinutungkab;
Ang perlas ko, pagkatapos, sa tumbaga’y ilalapat
At sa hikaw ng babae’y ginagawang mutyang hiyas.
Ang sasakya’y yao’t dito sa dibdib kong binusilak,
Ibon waring nakalaya sa malaong paghihirap…
Binakod ko’t pinaghati ang dalawang Kontinente,
Ang Kanlura’t ang Silangan, at ang pulong malalaki,
Ang dalatan sa palad ko’y nangaglutang sa kabibi’t
Sa harap ng kapisana’y dangal tila ng lalaki;
Ang ilaw ng Kabihasnang makasama’t makabuti,
Sa matandang mga bansa’y lipat-lipat na parati;
Ang kalakal, ang lahat na, sa akin ay di makali’t
Sa larangan ng sintaha’y parang puso ng babae…
Ang simpok ng mga alo’y sa talampas nababasag,
At sa hangi’y sumasama sa rurok ng alapaap
Parang diwa ng Makata kung mayroong sinusulat,
Humahantong sa palasyong lundu-lundong mga ulap;
Akong ina, pagka’t ina, ay mahal ang aking anak,
Sa dahilang ang palad ko’y karugtong ng kanyang palad,
Ang hamog kong nagtaana’y hintay pa rin oras-oras,
Kaya nama’t kung magbalik ay ulan nang tinatawag.
II
Ako noong unang dako’y paltuk-paltok na lupaing
Sa tiyaga ng kung sino’y hinukayan nang malalim;
Nang tapos na’y binalungan ng tubig na kristal manding
Sa lapad ng kalawaka’y di magkita ang baybayin;
Ako’y tatlong ikaapat ang kalakhan sa pampangin
Daigdig ng mga tao’t ng pamumuhay na pananim;
Ang langit ang kasuyo kong anong tamis kung gumiliw,
Manong kahit sandali ma’y napawaglit sa paningin.
Kapag siya’y nagtatampo’t ayaw akong masilayan,
Ang mukha ay binabalot ng maitim na balabal,
Sa silakbong galit ko’y nagdidilim ang isipa’t
Hindi ko na alaalang may iba pang mararamay,
Pawawalan ko ang alon, ang alon kong ga-simbahan,
Bubuksan ko ang may-susing pintuan ng Habagatan,
Ang malaking daluyong ko’y ibabangong dahan-daha’t
Sa sang-iglap, itong mundo’y bola waring nagduruyan!
Pagkatapos na ang aking kagalita’y maihinga,
Pagkatapos na iluha ang kaniyang naging sala,
Ang naglahong palad nami’y babatiin ng pag-asa’t
Ang naglahong palad nami’y babatiin ng pag-asa’t
Ang kaniyang buong hugis ay akin nang makikita;
Tila kami paruparo’t mahiyaing sampaguita
Na sa aklat pagsuyo’y unang dahong mababasa:
Dagat ako’t siya’y Langit sa bakuran ng panata’t
Tanging pusong sa puso ko’y unang-unang bumalisa.
Sa altar ng kapalara’y ikinasal kaming puso,
Pinagkambal ng sumpaa’t ng pangako sa pangako;
Paraluman at Makatang sa pangarap naliligo,
Sa dampa ng kahirapa’y kami rin ang magkasuno.
Bilang subok ng pag-ibig: Buhat doon sa malayong
Hilagaan hanggang Timog sa lamig ang nagpupuno
Ay akin pang natunayang siya’y hindi naglalaho,
Nagtatampong minsan-minsan, ngunit tapat sa pagsuyo,
PANGWAKAS:
Sa buhay ng mga tao’t alamat ng mga bayan,
Ako man ay mayroon ding mahalagang kasaysayan;
Kung ako man ay natutong maghasik ng kabaitan,
Marunong ding mag-alaga sa sariling karangalan;
Kung ang baya’y sumusugba sa ningas ng paglalaban,
Kasukdulang maging lawa sa dugo ang kaparangan,
Ako man ay marunong ding magtanggol ng karapatan…
Ang yumurak sa dangal ko’y pinapatay… pinapatay!
Kidlat akong yumayanig, bagyo akong naghahapay,
Apoy akong tumutupok, tubig akong tumutunaw,
Bulkan akong sumusulak sa tuktok ng kabundukan,
Ako rin ang maghuhukom sa tiwaling daigdiga’t
Sa talaan ni Bathala’y mababasa: HULING ARAW!
Ito’y isang tulang mayaman sa paglalarawan na isinulat ng isang makatang yumao sa maagang gulang. Ang tulang ito’y unang nalathala sa Liwayway noong ika-20 ng Pebrero, 1925, at ang naging inspirasyon ay ang tulang ANG ULAP ng makatang Ildefonso Santos, unang lumabas sa Liwayway.