Ang Buhay ng Tao
Tula ni
Jose Corazon de Jesus
Inakay na munting naligaw sa gubat,
ang hinahanap ko’y ang sariling pugad;
ang dating pugad ko noong mapagmalas
nang uupan ko na ang laman ay ahas.
Oh! ganito pala itong Daigdigan,
marami ang sama kaysa kabutihan;
kung hahanapin mo ang iyong kaaway,
huwag kang lalayo’t katabi mo lamang.
Ako’y parang bato na ibinalibag,
ang buong akala’y sa langit aakyat;
nang sa himpapawid ako’y mapataas,
ay bigat ko na rin ang siyang naglagpak.
Mahirap nga pala ang gawang mabuhay,
sarili mong bigat ay paninimbangan,
kung ikaw’y mabuti’y kinaiinggitan,
kung ikaw’y masama’y kinapopootan.
At gaya ng isdang malaya sa turing
ang langit at lupa’y nainggit sa akin;
subalit sa isang mumo lang ng kanin,
ako’y nabingwit na’t yaon pala’y pain.
At sa pagkabigo’y nag-aral na akong
mangilag sa mga patibong sa mundo;
kahit sa pagtulog, huwag pasiguro’t
bangungot mo’y siyang papatay sa iyo.
Ang buhay ng tao ay parang kandila
habang umiikli’y nanatak ang luha;
buhat sa pagsilang hanggang sa pagtanda,
ang luksang libinga’y laging nakahanda.
Ang palad ay parang turumpong mabilog,
lupa’y hinuhukay
sa ininug-inog;
subalit kung di ka babago ng kilos,
sa hinukayan mo’y doon mahuhulog.